Tuesday, December 4, 2012

Sino'ng Talaga Ang Superstar '78, Si Vilma o si Nora? 1/2


"Whew, ang bigat! Talaga nga palang napakahirap ang masabit sa showbiz, lalo pa nga kapag hindi ka sanay sa mga intriga. More pa kung nasa gitna ka ng dalawang nag-uumpugang bato. Mapadikit ka lamang sa isang side, aakalain na ng kabilang bato na kampi ka na sa kaumpugan nila at vice versa. Ito ngayon ang nangyayari sa akin, mula nang mapasabit ang pangalan ko bilang manghuhula kina Vilma Santos at Nora Aunor, pakiramdam ko ba sa sarili ko'y parating nasa alanganin. Dapat nga ay may article akong susulatin na ang pamagat ay "Si Nora Aunor at Vilma Santos...Sa Paningin Ng Isang Manghuhula" na lalabas din sana sa komiks magazine na ito, pero dalawang buwan na ang nakakalipas, hindi ko pa maisulat-sulat, kasi nga ayokong masabit sa gulo. Pero ang nangyari, ang kinatatakutan ko'y naganap din. Could be na pag labas ng artikulong ito, mayroon na kayong narinig sa radyo o nabasa sa mga komiks magazines na mga pagpuna sa mga ipinahayag ko sa programa ni Inday Badiday, ang "Would You Believe" noong ako'y mag-guest dito noong August 4, 1978. Although it looked na, I am pro-Vilma, based on my statements on the said program, I am not. In fact, we were never close. Dalawang beses ko lamang siyang nakaharap nang personal at sa dalawang meeting naming iyon, it was a pure psychic-client meeting.

Sa madaling salita, kung paano ko hinaharap bilang manghuhula ang aking mga kliyente ganoon ko din hinarap si Vi. (Si Vi mismo ay makapagpapatunay nito.) Kung madalas man ninyong mabasa sa mga komiks na nakakabit ang pangalan ko kay Vilma, it's simply because I am close to Cleo Cruz, Vi's confidante and PRO, and to Chito Memije, Cleo's hubby. At dahil nga close ako sa dalawang ito, 'pag may vibes ako sa maaaring mangyari kay Vi, tatawagan ko sila, o kaya naman si Cleo ang tatawag sa akin, kung gusto niyang sumulat tungkol sa mga hula ko kay Vi. Sa awa naman ng Diyos, kung hindi man lahat, at least, halos lahat ng mga inihula ko kay Vi ay nagkatutoo. Siguro, kung may PRO lamang si Guy na malapit sa akin, ginawa ko rin sa kanya ito. Ang kaso, wala eh. Kaya nga, noong unang telecast ng 'Would You Believe," nang maging guest din ako, nang mamataan ko sina Baby K. Jimenez at Mercy Lejarde na mga PRO ni Guy, lumapit ako agad at sinabi ko sa kanila ang tungkol sa nabavibes kong maaaring maging sakit ni Nora Aunor sa tiyan. 'Di ba na-publish pa iyon, nagkatutoo ang sinabi ko, dahil nang magpatingin si Guy sa doktor niya, natuklasang siya ay may slight kidney trouble. ito pa nga rin ang dahilan upang sa pangalawang pagkakataon, pagkaraan ng kung ilang taon, ay maisipang muli ni Guy ang magpahula sa akin.

Ang hulaan session naming iyon ni Guy, siguro, may ilang beses munang na-cancelled bago natuloy. Ako na mismo ang gumawa ng paraan. Kinansela ko ang appointment ko for that day, para lang matuloy ang aming meeting. Sina Deo Fajardo at Mercy Lejarde ang sumundo sa akin ng mga bandang pasado alas-tres na yata ng hapon. Akala ko, sa Valencia residence ni Guy gagawin ang hulaan session, iyon pala'y sa labas ng Maynila. Deep down inside me, during our trip, going to the place where Nora Aunor was taping "Guy and Pip Special," I felt bad. Naasar ako, kasi wala sa usapan namin na ganoong kalayo ang lugar na aming tagpuan. Sabi ko sa sarili ko, kung mayroon lang akong sariling sasakyan, bumalik na sana ako, hindi na baleng hindi na matuloy ang hulaan at hindi na ako kumita. Halos madilim na nang sapitin namin ang said place. Nang makaharap ko si Guy at batiin niya ako ng "hi, kuya Rene," para akong nabuhusan ng malamig na tubig, lahat ng inis ko at sama ng loob nawala. Nag-taping pa muna si Nora ng ilang scenes sa tv special nila bago nagpahula. Hindi ko tatalakayin kung ano ang mga hulang iyon dahil tiyak nabasa na ninyo iyon bilang isang article na isinulat ni Mercy Lejarde, I think sapat ng sabihin kong, lahat ng isinulat ni Mercy sa article na iyon ay tutoong sinabi kong lahat.

Pagkatapos ng hulaan namin ni Guy sa Novaliches, together with Mercy, tumuloy kami sa Valencia residence ni Guy. Nilibot ko ang buong kabahayan, pinakiramdaman ko kung may malas sa bahay na iyon. The house itself is not malas, sa katunayan nga, ang atmosphere, hindi lang bahay, talagang home. Anyway, sa paglilibot naming iyon, na-confirm, ang sinabi ko kay Nora na may object sa bahay niya na nagbibigay sa kanya ng kaunting malas noong nasa Novaliches pa kami. "It is," sabi ko, "isang maliit na swords na naka-display." Sagot naman ni Guy, "Wala akong matandaan, kuya Rene." Kaso nga, sa paglilibot namin sa Valencia residence, among her antique collections, nakita namin ang dalawang antique na letter opener na ang hitsura ay talagang maliliit na swords. Past twelve midnight na nang iwanan ko ang Valencia residence. si Guy pa mismo ang nag-asikaso na maghahatid sa aking pag-uwi. Inihatid pa nga niya kami hanggang hindi nakakalabas ng daan ang aming sasakyan. I remember tumawag pa si Douglas Quijano, si Guy pa ang nag-relay ng message, pero dahil gabi na, hindi ko na kinausap si Douglas. With all honesty, I was touched by Nora's hospitality. More pa, nang nasa bahay na ako at matuklasan kong ang ibinayad pala ni Guy sa akin ay times five ng usual fee na aking tinatanggap 'pag ako'y nagho-home service.

And would you believe, may tatlong linggo muna ang nagdaan bago ko nagamit ang perang iyon, at sapilitan pa. Siguro, kung hindi ako talagang gipit sa pera ng mga panahong iyon, hanggang ngayon nasa wallet ko pa ang perang ibinayad ni Guy sa akin. Hindi lang bilang souvenir kundi as my lucky money, naniniwala kasi ako na ang suwerte ni Nora Aunor ay likas, at siyempre, anything na galing sa kanya 'pag bigay niya sa kin, maaaring magbigay rin ng suwerte sa buhay ko. Si Vilma Santos, may ginawa rin ba sa iyo na na-touched ka rin? Marahil maitatanong ninyo. Ang sagot ko, yes. Simple as it may seem, I was really touched when she called me personally just to give her thanks. It happened twice. Iyong una, noong maging guest din ako sa premiere telecast ng 'Would You Believe" at mayroon isang scribe doon na nagsabi na si Nora Aunor lamang ang maituturing na superstar ng Philippine Movies, umiling ako na tanda nang 'di ko pagsang-ayon. At ang ikalawa naman ay naganap the following morning after I guested again sa same program, the previous night, na kung saan ko nga ipinahayag na as of now, meaning year 1978, si Vilma Santos ang itinuturing kong superstar ng Philippine Movies. I could still recall, I told Vi during our telephone conversation, na wala siyang dapat na ipagpasalamat sa akin dahil iyon naman ang tutoo.

In short, ang ibig kong iparating kay Vi, I gave those statements not because I wanted to please her or to show to the public that I am a Vilmanian (although parang ganoon nga ang naging impression ng public) kundi dahil bilang isang manghuhula, iyon ang na-vibes kong mga pangyayari sa daigdig ng pelikula. Kung tutuusin nga, inulit ko lang ang statements kong iyon. Late 1967, sinabi ko kay Vi, kay Mama Santos at kay Cleo Cruz, na kung magiging buo at determinado ang isip ni Vilma sa kanyang career, sa mga taong 1977 at 1978, siya ang tatanghaling superstar. Siguro, ngayong naipahayag ko na sa inyo ang mga pangyayari bago naganap ang mga misinterpretation at samaan ng loob na resulta ng pag-guest ko sa "Would You Believe," makikita ninyo na kahit na kanino sa dalawang ito, kay Vilma at Nora, ay hindi ako naging close. At dahil sa parehong nagpakita ng kabutihan sa akin, wala akong right na bigyan ng sama ng loob kahit na sino sa kanila. Sira na siguro ang ulo ko kapag sinaktan ko ang loob ng kahit na sino sa kanila, and I believe, hindi pa naman ako sira. So, ipinasiya kong kailangang neutral ako. Alam mo palang dapat neutral ka, eh bakit ang mga pahayag mo'y masyadong maka-Vilma. Tiyak iyan ang say ng ilan sa inyo na masama ang loob sa akin. Let me explain. Exactly nine o'clock ng gabi, nang dumating kami sa istudyong pagdadausan ng "Would You Believe." I remember, I was the one who suggested kay Inday Badiday na tanungin ako tungkol kay Guy at Vi para maging interesting ang subject matter namin ng gabing iyon. Ang talagang plano ko noon, ay para ipakita sa public na sang-ayon sa mga na-vibes ko sa dalawang ito bilang isang manghuhula, bawa't isa sa kanila ay mayroong kanya-kanyang accomplishments sa movie world, kaya hindi puwedeng paglabanin o kaya naman ay ikumpara si Vi kay Guy, si Guy kay Vi. Kaya nga, nang i-on na ang show at tanungin na ako ni Inday, ang sagot ko'y, "Pareho ko nang nahulaan sina Vi at Guy, at kung tatanungin ninyo ako kung sino ang mas superstar sa kanilang dalawa, para nang itinanong ninyo sa akin kung sino ang mas banal si jesus Christ ba o si Gautama Buddha? "At dahil sa naisip ko na hindi masisiyahan sa ganoong kasagutan ang viewing public, idinugtong ko na sa taong ito 1978, dahil ang suwerte ay nasa side ni Vi, si Vi ang superstar.

Nguni't hindi nangangahulugang hindi na superstar si Guy, kaya lamang ang taong ito para sa kanya ay hindi gaanong masuwerte, I would say. This is a very emotional year for her, meaning madalas siyang makakaranas ng mga emotional turmoil na maaaring makaapekto sa mga decisions niya na may kinalaman sa kanyang career sa movies. During the show, may isang manghuhula rin na katulad ko na nag-comment, na ang hula naman niya ay hindi na magkakabalikan sina Guy at Boyet. Nang ako naman ang tanungin, ang sagot ko'y may posibilidad na magkabalikan pa, ang ibig kong sabihin hindi tiyak na magkakabalikan pero may pag-asa, ang dahilan ko'y...mas mahal ni Guy si Boyet kaysa kay Pip. Bakit ko nasabi ito, ano ang batayan ko? Well, nang hulaan ko si Guy sa Novaliches, isang quality na na-vibes ko kay Nora na hinangaan ko ay ang kanyang pagiging ina. In other words, handa si Guy na ipagpakasakit ang kanyang pansariling kaligayahan alang-alang sa kanyang anak. Dahilan dito, na-conclude ko na kung kailangan, para kay Ian, muli niyang pakikisamahan si Boyet na siyang ama ng kanyang anak. Siyempre, dahil ama ni Ian, mahal niya. After sometime, the same manghuhula, predicted naman na sa last part daw ng taong ito 1978 hanggang sa susunod na taon 1979, magkakalaban daw sa pagka-superstar sina Charito Solis, Nora Aunor at Alma Moreno, hindi niya binanggit si Vilma Santos.

Nang ibigay naman sa akin ang pagkakataon para magsalita, ang sabi ko'y hindi maaaring labanan nina Guy at Ness si Chato dahil isa na itong institusyon. (Si Inday ang nagsabing institusyon, nang makita niyang hindi ko maapuhap ang right word to describe Charito Solis.) Sabi ko pa, ang magkakalaban-laban sa last part ng taong 1978 ay sina Nora Aunor at Alma Moreno, at dahil nga hindi na-mentioned ang pangalan ni Vi, nawala na rin sa isip ko, hindi ko tuloy nabanggit. Ang dapat talagang sabihin ko'y sina Vilma, Nora at Alma ang maglalaban-laban sa pagka-superstar. Sa pagwawakas ng show, bigla na lamang akong tinanong ni Inday, na sa pandinig ko...ang tanong niya'y, "Rene, as of now, sino para sa iyo ang superstar?' ang sagot ko, "Vilma Santos." I think na-explain ko na ang dahilan kung bakit nasabi kong si Vi ang superstar, sa bandang kalagitnaan ng article na ito, kaya hindi ko na tatalakayin pang muli. Pero I want to stress the point na hindi porke sinabi kong si Vi ang superstar, hindi na superstar si Guy. Kung itatanong ninyo sa akin, ano si Guy para sa iyo, kung sa ngayon si Vi ang kinu-consider mong Superstar, ang sagot ko, sang-ayon sa mga vibes na na feel ko noong naghuhulaan kami ni Nora. Si Guy lamang ang masasabi kong, sa mga artistang nahulaan ko rin naman, siya lang ang may likas na magandang kapalaran, kaya nga, siya lang ang maituturing kong phenomenal superstar ng Philippine showbiz.

But, and this is with a big But...Guy's strature sa movies (I am sorry to say this but i think I have to) as of now, is dwindling. Ang maipapayo ko kay Guy, kailangang pagbuhusan niya ng buong panahon at konsentrasyon ang pelikula niyang "Atsay" sapagka't, bilang isang manghuhula ang pelikula niyang ito ang vibes kong maaaring magtaas na muli sa kanyang dating kalagayan. Sa palagay ko, sa pamamagitan ng article kong ito, naayos ko na ang mga kaguluhang nalikha ng pag-appear ko sa "Would You Believe" at sa pagpapahayag ko sa programang ito na si Vilma Santos ang Superstar '78. Ngayon kung sakali naman na may mga tao pang gustong gumawa pa ng pakulo sa bagay na ito, bahala na lang sila. Inuulit ko, wala akong pinapanigan between Vilma and Guy. Hindi ko rin naman kinakaila ang pagka-phemonenal superstar ni Guy at lalong hindi ko mababawi ang sinabi ko bilang isang manghuhula, sa 'Would You Believe" noong gabi ng August 4, sapagka't iyon ang tutoo sang-ayon sa vibes ko, na...it's VILMA SANTOS, who reigns supreme sa box-office, therefore, siya ang Superstar 1978!..." - Rene Mariano, Weekly Mars Ravelo Komiks, September 7, 1978 (READ MORE)

Translate

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...