Saturday, August 10, 2013

Noon At Ngayon


Siyam na taong gulang si Vilma Santos nang gawin niya ang kauna-unahang pelikula niya ang “Trudis Liit” ng VP Pictures na itinanghal noong Pebrero 21 – Marso 2, 1963. Naging abala siya pagkatapos sa linguhang taping ng TV series na “Larawan ng Pag-ibig” sa ABS (ang dating KBS sa Roxas Blvd. Noon) kung saan nakasama niya sina Zeny Zabala at Willie Sotelo. Noon pa man, kapuna-puna na madaling kumuha ng direksiyon si Vi, bukod pa sa mabilis itong magmemoya ng linya. Lubha rin siyang maingat sa kanyang pangkalahatang kaanyuhan bago humarap sa kamera. Kapag ang eksena ay sa loob ng tahanan, medyo guguluhin niya ang buhok, titiyakin na may kalumaan ang suot na simpleng damit, pati na ang tsinelas. Kapag sa labas naman ang eksena, pipili siya ng angkop na kasuotan, na para sa kanya ay komportable at simple. Dito sila madalas nagkakaiba ng panlasa ng kanyang ina. Pati na sa ayos ng buhok. Ang kay Vi, ang pananatili pa rin ng dating gawi. Ang sa kanyang mama, artista at kinakailangan nga naman ng kauting pagbabago sa panlabas na kaanyuan. Siyempre, ang kadalasang resulta, ang Mama niya ang nasusunod. After all, mother knows best, hindi ba? Bagay na hanggang nagdalaga si Vi ay muli at muli niyang napatunayan. Anyway, noon pa man, natural lang na mamalas kay Mama Santos ang understandeble pride sa anak, lalo pa’t madalas sabihin nina Zeny at Willie, “Artista talaga! Madali niyang masakyan ang prepesyong ito!” na matinding intriga at kontrobersiya.

Ipinanganak nga marahil si Ma. Rosa Vilma Tuazon Santos sa show business dahil sa pagitan ng taping ng “Larawan..” ay nagkasunod-sunod na ang kanyang mga pelikula: ”Anak, Ang Iyong Ina” ng Sampaguita Pictures (Abril 5 – 13, 1963), “King ang Queen For A Day” (Hulyo 4 – 13, 1963), “Duelo Sa Sapang Bato” ng Larry Santiago Productions (Hulyo 13 – 22, 1963), “Aninong Bakal” ng Vitri Films (Oktubre 9 – 28, 1963), “Ging” ng People’s Pictures (Enero 20 – 29, 1964), “Larawan Ng Pag-ibig” ng Vitri (base sa TV series, Pebrero 19 – 28, 1964), “Naligaw Na Anghel” ng LSP (Agosto 8 – 17, 1964), “Sa Bawa’t Pintig Ng Puso” ng LSP (Nobyemre 16 – 25, 1964), “Sa Baril Magtuos” ng Medallion Films (Abril 12 – 20, 1965), “Maria Cecilia” ng LSP (Mayo 15 – 24, 1965), “Morena Martir” ng VP (Hulyo 20 – Agosto 9, 1965), “Kay Tagal Ng Umaga” ng LSP (Agosto 23 – Setyembre 1, 1965), “Iginuhit Ng Tadhana” ng 777 Films (Setyembre 7 – 15, 1965), “Hindi Nahahati Ang Langit” ng LSP (Enero 9 – 18, 1966), “Hampaslupang Maton” ng JBC (Mayo 5 – 12, 1966), “Ito Ang Dahilan” ng LSP (Agosto 1 – 8, 1966), “Batang Iwahig” ng LSP (Oktubre 21 – 28, 1966), “Ito Ang Pilipino” ng EMAR (Disyembre 30, 1966 – Enero 9, 1967), “The Longest Hundred Miles” ng VIP (Hunyo 18 – 27, 1967), “De Colores” ng Arco-Iris (Marso 30 – April 10, 1968), “Kasalanan Kaya” ng Virgo Films (Hunyo 16 – 28, 1968), “Sino Ang May Karapatan” ng Virgo (Nobyembre 16 – 25, 1968), “Pinagbukold Ng Langit” ng UBP (Agosto 7 – 28, 1969), “Pag-ibig, Masdan Ang Ginawa Mo” ng RVQ Films (Setyembre 7 – 13, 1969), “My Darling Eddie” ng JBC (Disyembre 16 – 23, 1969, “Mardy” ng JBC (Disyembre 31 – Enero 6, 1969) hanggang “Young Love” ng VP Enero 1 – 21, 1970) ng lumikha ng rekord sa takilya.

Ang tutoo niyan, ang pag-aartista ni Vi ay nag-ugat sa isang family reunion na usung-uso sa mga Santoses. Sa isa sa mga ganyang okasyon, nabanggit ng tiyuhin ni Vi, si G. Amaury Agra, (noo’y cameraman ng Sampaguita Pictures) na bakit hindi nito subukin ang pag-aartista. Katuwiran ng amain, lista naman ang pamangkin at napakalimit pa nitong mapasali sa school plays, siyempre, ayaw ng ina ang dating Milagros Tuazon na tubong Cabanatuan, Nueva Ecija. Pag-aaral muna, bago ano pa aman. Iba naman ang reaksiyon ng ama, si Amado Santos ng Bamban, Tarlac. Amused ito at siyempre, nandoon ang parental pride dahil batid niyang maganda, matalino at lista ang anak. Iba pa rin ang reaksiyon ng mag kapatid ni Vi, sina Ma. Michaela (Emelyn) at Ma. Theresa (Maritess). Tuwang-tuwa sila. Masarap nga namang pakinggan iyong may “artista” sa pamilya. Ang dalawang bunso, sina Ma. Norwena (Winnie) at Joel (Sonny Boy) ay mga paslit pa lamang upang maunawaan ang pinag=uusapan. Natapos ang family reunion. Nakalimutan ang suhestiyon.

Makalipas ang mga tatlong buwan, nakatanggap ng maikling sulat si Mama Santos muka lay G. Agra. Naghahanap ang Sampaguita Picutures ng batang babae na gaganap ng mahalagang papel sa “Anak, Ang Iyong Ina!” at isinali ng amain ang pangalan ni Vi. Hindi puwedeng lumiban si Papa Santos sa pinpasukang government office, at ayaw naman nilang mapahiya ang kamag-anak, kaya napilitan si Mama Santos na humingi ng day=off sa opisina (Aguinaldo’s). Pagdating sa studio, wala si G. Agra at nasa location shooting, ngunit totoong naroroon ang pangalan ni Vi, kaya’t pinapasok sila sa tanggapan. Napadaan sa harapan ni Mama Santos si Bella Flores na dala ang script ng “Trudis Liit.” Nagulumihanan si Mama Santos. Binasa niyang muli ang liham ni G. Agra. Mali yata ang napuntahan nila! Akma niyang tatawagin si Vi na noon ay nkikipaglaro sa iba pang mga bata upang yayain na itong umuwi, nang pumasok sina Mommy Vera, Dr. at Mrs. Perez, at Eddie Garcia. At doon nagsimula ang movie career ni Vi na magpahanggang ngayon ay batbat pa rin ng iba’t ibang panunuri, opinyon at konklusiyon.

Pagkatapos ni Vi ng “Young Love,” nagsimula naman ang napakalaking pagbabago sa buhay niya at career life. Ang trend noon ay musicals, kung kaya’t sa kauna-unahang pagkakataon, umawit siya sa pelikula. Sa “My Darling Eddie” ng JBC, inawit niya ang “Devoted To You” ka-dweto si Edgar Mortiz. At dahil kararaos lamang ni Vi ng kanyang 16th birthday, sinulat ni Danny Subido ang awiting “Sixteen” na siyang naging unang plaka ni Vi sa Wilear’s Recording na ang likod ay “Wonderful To Be In Love.” Ang nasabing plaka ay agad naging number one sa loob lamang ng limang araw at tumagal ito sa gayong puwesto nang mahigit sa isang buwan. Noon, malaking rekord na ang gayon.

1970 rin nang magsimula ang professional rivalry nila ni Nora Aunor na lalong lumaganap at tumagal sa tulong ng mga publisidad, mga tagahanga at mga tao sa kani-kanilang paligid. Iisa ang pinagpatahian nila ng damit, ang Torino’s, halos iisa rin ang mga TV programs na dinadaluhan nial, gayon din ang mga movie companies na kanilang pinaglilingkuran, ngunit sa mata ng publiko, lalo na ng kanikanilang mga tagahanga, magkaiba sina Vilma at Nora. Iisa lamang ang dapat nakaupo sa trono ng katanyagan, iisa lamang ang dapat may hawak ng setro ng popularidad, iisa lamang ang puputungan ng korona ng superstardom.

1970 rin nang magsimulang i-ugnay si Vi kay Edgar, na siyang naging kauna-unahang nobyo niya sa tunay na buhay. Sunod-sunod ang kanilang pagtatambal: “Songs and Lovers” ng Tagalog Ilang Ilang Productions, “My Pledge Of Love” ng TIIP, “Love Is For the Two Of Us” ng AM, “From The Bottom of My Heart” ng TIIP at “Sixteen” ng Sampaguita, Ang naging mahigpit na “kalaban” ng kanilang tambalan ay ang love team nina Guy at Pip (Tirso Cruz III).

Dahil sa sunod-sunod na siyuting, hindi lang natigil sa pag-oopisina si Mama Santos, kung hindi nanganib din na matigil sa pag-aaral si Vi na nasa fourth year high school na. Minabuti nilang kumuha ng private tutor, na pinayagan naman ng pamunuan ng St. Mary’s Academy sa Trozo, Tondo, Maynila. Sa kanyang graduation, halata na mahal ng mga madre, guro at kamag-aral si Vi. Nagbalak siyang magpatuloy sa college, kahit na hindi kumpletong units bawa’t semester, ngunit iba pala ang balak ni Atty. Laxa ng TIIP.

1970 pa rin nang unang manibang bansa si Vi. Ginawa nila ni Edgar doon ang “Aloha, My Love” at “Never Say Goodbye.” Pagbalik niya rito, ginawa naman niya ang “Dingdong” ng Sampaguita ng siyang unang pinagtambalan nila ni Pip. Balik-tambalan sila ni Edgar sa “Sweethearts” at “Love Letters” bago niya sinimulan ang una nilang pagtatambal ni Jay Ilagan, ang “Inspirasyon” ng TIIP sa direksiyon ni Ishmael Bernal. Nasundan ito ng pagkakapanalo niya sa FAMAS (“Dama De Noche” ng TIIP) at nagpatuloy na niyang makasama ang iba pang mga batikan sa mga pelikulang tulad ng “Karugtong Ng Kahapon” (Eddie Rodriguez), “Mga Tigre Sa Sirra Cruz” (Charito Solis, direktor Augusto “Totoy” Buenaventura) at “Batya’t Palu-Palo” (Fernando Poe Jr.).

Anupa’t walang naging ibang daigdig ni Vi, mula 1963 kung hindi ang show business. Sabi ng niya sa isang interview: “…ibang-iba talaga. Para bang di man lamang ako dumaan sa pagkabata…heto akong naka-lollipop, and then bigla, ni wala man lamang transition, tumanda na akao, kayod na ako nang kayod, daig ko pa ang isang padre de familia. Noon, hindi ko pa na realiza na parang abnormal pala ang growing-up years ko. Paano, bising-bisi ako lagi sa trabaho. Besides, I was too young to understand about such things then, I ondly got to realiza about the things I’ve missed in life when I saw my younger sisters growing up. Ang saya-saya nila, they’re completely free to do anything they please, ang dami-dami nilang experiences na di mo man lamang naranasan. Somehow, in a way, inggit ako sa kanila. Pero all the same, ang mga nangyari’y nangyari na. Kahit ano pa ba ang gawin mo, di na na babalik ‘yung mga nakalipas na. And then, I’ve also learned it isn’t right to blame other people for what you’ve become. Kasi, ano e, talagang di tama. After all, if you don’t really want to do something, wala namang makakapilit sa’yo a. It’s not right for me to blame my Mama or my Papa dahil they never pushed me into becoming a movie personality. Ang aking pag-aartista’y kagustuhan ko. Lahat naman tayo, we all have to do what we feel we have to do. Everything in this world naman is dedicated by necessity. And yet, at the same time, di naman siguro ako masisisi for feeling cheated about some good things in life that somehow I feel I’ve missed...”

At nagpatuloy ang paggawa niya ng pelikula. Siya’y naging si “Dyesebel,” si “Darna,” si “Wonder Vi,” at ‘Bertang Kerengken” at ang “Kampanerang Kuba.” Nagpatuloy din ang pagsubaybay sa kanya ng publiko, bagama’t ibang aspeto sa buhay ni Vi ang nais laging malaman, ang kanyang love life. Naghiwalay sila ng landas ni Edgar at naging paboritong paksa ng hulaan ay kung sino ang susunod na aangkin sa pag-ibig ni Vi. Lahat halos nang nakatambal niya ay nasali sa “hulaan,” Jojit Paredes, Ronnie Henares, Dave Brodett, Jay Ilagan, Tirso Cruz III, Christopher De Leon, Mat Ranillo III, Bembol Roco, ABM Junior, Romeo Vasquez, Mark Gil at Lito Lapid. Maging sina Fernando Poe Jr., Dolphy at Eddie Rodriguez ay hindi nakaligtas. Ang hindi lamang yata nadawit kay ay sina Mayor Joseph Estrada (“The Sultan and I”), Victor Laurel (“Ophelia at Paris”), Jun Aristorenas (“Mahilig Ang Mister Ko”), Rudy Fernandez (“Makahiya’t Talahib”), Philip Salvador (“Rubia Servios”), Angelo Castro Jr at Ramil Rodriguez (“Modelong Tanso”) at Al Tantay (“Ang Galing Galign Mo Mrs Jones”). Wala isa mang nakakula na si Ronnie Henares ang naging mapalad na pangalawang kasintahan ni Vi.

1975 nang magsimulang magbago ng image si Vi. Pumayag siyang gumanap ng nagdadalang-tao sa “Mahilig…” at makipaghalikan ng lips to lips sa “Tag-ulan sa Tag-araw.” 1976 ay lalong napagtibay ang bold image ni Vi. Nag-prodyus siya at gumanap sa “Mga Rosa Sa Putikan” na sa pamagat lamang ay mahuhulaan kung anong uri ng karakter ang kanyang ginampanan. Ngunit sa kabila ng mga iyan, naroroon pa rin ang “hulaan” sa love life ng dalaga. Lalo pa nga at noong Marso 22, 1976 ay naging panauhin siya ng TV show ni Edgar na “People,” kapalit nung pagtungo nito sa TV show ni Vi, ang “Ayan Eh!” Natural, iisa ang konklusiyon ng karamihan. Magkakabalikan ang dating magkasintahan ng tatlong taon.

Nang sumunod ng taon, 1977, nakilala niya at nakatambal si Romeo Vasquez sa “Nagaapoy Na Damdamin.” Nang mga panahong iyon, nagpasiya na si Vi na bumukod ng tirahan. Ang tanging hangarin niya noon: matutong mamuhay nang mag-isa, magpasiya nang siya lamang ang mananagot sa anumang kahihinatnan, at matikman ang inaakala niyang kalayaan na ganap lamang niyang mapagsasawaan kung siya’y nakahiwalay sa mga magulang at kapatid. Naganap nga ang kanyang kagustuhan, ngunit hungkag pa rin ang kanyang buhay. Walang direksiyon. Ang naging publisidad nang hakbang na ito ni vi ay ang diumano’y pagsasabi niya na “I want to be liberated.” Marami ang nagtaas ng kilay. At lalo nang hindi nila maibaba ito nang mapabalita na si Bobby ay kasintahan na ni Vi. Lalong gumulo na ang iba’t ibang nasulat tungkol sa dalawa. Hanggang sa tuluyan nang maghiwalay sila ng landas.

Muli, pelikula na naman ang nagpaliit ng daigdig ni Vi. Bagama’t ang 1978 ay tinaguriang taon ng mga rosas para kay Vi (panay ang padala ng mga rosas nina Bobby, Christopher, Mar Ranillo, Rolly Quizon at isang nagngangalang Ricky), iyon din ang taong ng “Rubia Servios.” Sa awards night na ginanap noong Enero 3, 1979 sa CCP, marami ang humula na mananalo si Vi. Ngunit si Guy ang nanalo sa “Atsay.”

Ilang araw matapos ang awards night, nabalita na nagtangkang magpakamatay si Vi dahil sa sama ng loob. Paano at saan nagsimula ang balita? Mahirap tukuyin. Ang madali ay ang katotohanan. Pagkagaling sa CCP, nagkita-kita sina Vi at ang kanyang pamilya, Manay Ichu (Marichu Vera Perez), mga kapatid nitong sina Lilibeth at Chona, Cleo Cruz at ang manunulat na ito sa Palamigan Express. Pagkagaling doon, naganyaya si Vi sa kanyang tinutuluyan, sa Tuscanny sa Makati. Hindi sumama si Cleo. Pagdating doon nagpaalam na rin ang mga magulang at kapatid ni Vi. Naiwan ang mga Vera-Perezes, ang alalay noon ni Vi si Viring at ang ang inyong lindkod. Tahasang inamin ni Vi: “Hinangad ko ang manalo, dahil alam kong mahusay ang pagkakaganap ko sa tulong ni direk (Lino Brocka), Ipe (Philip) at Archie (Mat) at iba pang mga kasama. Pero hindi ako umasa. I hoped I’d win, but I did not expect naman. Of course, disappointed ako, masakit, pero kailangang tanggapin…” at iniba na ni Many Ichu ang usapan. Naglabas si Vi ng alak, naging topic ang mga off-the-record na love life at ilang personal na suliranin ni Vi at bago namin namalayan umaga na pala.

Duon, sa Tuscanny, muli naming napatunayan ang isa pang aspeto ng personalidad ni Vi. Ang kanyang pagiging masinop at pagiging systematic. Kung sabagay, noon pa mang nagsisimula pa lamang si Vi, agad mapapansin sa kanya ang breeding, sincerity at pagiging very gracious. Ang ganyang kaugalian ay nadala niya magpahanggang ngayon. Maging nang dumating ang panahon na nagkasabit-sabit ang kanyang mga schedule na naging dahilan nang pagiging unprofessional niya at times. Hindi pa rin nagbago ang kanyang basic and inherit traits.

Ngayon, nahaharap si Vi sa panibagong chapter in her life, ang pagiging isang ina. At sa halip na unawain siya ng iba, ngayon pa lamang hinuhusgahan na siya. May nanghihinayang. May kumukondena. Ngunit sa pagkakatanda namin, noon, ang tanong ay: ano ang pumipigil sa pag-aasawa ni Vi? Tipong inaapura nila ito noon at ngayong magpasiya ang aktres at bigyan daan ang sariling kaligayahan, iba naman ang naging reaksiyon.

The Cover: Anu’t-anuman, sa paglingon ni Vi, taas-noo niyang masasabi na naibahagi niya sa kanyang publiko at tapat na mahabang pagbibigay-kasiyahan sa pamamagitan ng kanyang mga pelikula, plaka, TV shows at personal appearances. Altogether, she gave the best years of her life to her adoring public and it is but her right for her to now give herself the chance to live her life the way she wants it. - Ched P. Gonzales, Modern Romances & True Confessions Magazine, December 15, 1980, (READ MORE)

Translate

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...