Sa Gaano Kadalas Ang Minsan?, Minsan pang pinatunayan ni Danny Zialcita ang kanyang pambihirang abilidad sa pagbibigay ng bagong treatment sa lumang tema ng pag-ibig, na kadalasa'y umiikot sa pormula ng trianggulo. (Hindi nga ba't maging sa kanyang mga naunang obra tulad ng Hindi sa Iyo Ang Mundo, Baby Porcuna at Ikaw at ang Gabi, ay naitatak ni Zialcita ang kanyang makabagong sensibilidad sa pagtalakay sa mga kuwento ng pag-ibig?) Mula sa istorya ni Tom Adrales (na nagsilbing katulong ni Zialcita sa iskrip at sa direksiyon), ang Gaano Kadalas ay tungkol sa magkaibigang Lily (Vilma Santos) at Elsa (Hilda Koronel), na bagama't kapwa nakaririwasa sa buhay ay magkaiba naman ng suwerte. Matapos magpatingin si Hilda sa doktor, nalaman niyang wala na siyang pag-asang magkaanak pa. Si Vilma nama'y may kaisa-isang anak nga sa pagkadalaga pero wala naman itong ama at mas grabe pa, may taning na ang buhay ng bata (may congenital heart desease ito). Minsan, nagkahingahan ng problema ang magkaibigan, at sa kanilang pag-uusapa, inalok ni Hilda si Vilma na gawing ama ng kanyang anak ang asawa nitong si Louie (Dindo Fernando). Bagama't ipinalabas niyang mahal din niya ang bata at gusto niya itong mapaligaya kahit pansamantala lang, ang kanyang tunay na pakay ay mapaglapit ang kaibigan at ang asawa nang sa gayo'y magakaroon siya ng maaampong anak mula sa relasyon ng dalawang taong kapwa niya mahal.
Nagtagumpay ang tatlo sa kanilang pagpapanggap, at gay ng inaasahan, nagka-ibigan nga ang dalawa. Pagkatapos mamatay ang anak, nagbuntis si Vilma. Dahil delikadong manganak siyang muli (diumano'y may sakit siya sa puso), nagtangkang ipalaglag ni Vilma ang nasa kanyang sinapupunan. Napigilan siya ng kaibigang si Chanda Romero at ni Dindo mismo. Perso sa wakas, nang siyang magsilang, nawalan si Elsa ng asawa, kaibigan at anak. Mahusay ang pagkakadevelop sa kuwento ng Gaano Kadalas at epektibo ang direksiyon ni Zialcita. Nagawa nitong masangkot ang manonood sa problema ng mga tauhan. Absorbing ang naging tunggalian ng mga puso't damdamin. Naipakitang may sapat na motibasyon ang kanyang mga tauhan para pumasok sa ganoong arrangement. Gayunman, may ilang katanungang hindi nasagot sa pelikula. Una, paano nakakasiguro si Hilda na ipagkakaloob sa kanya ni Vilma ang anak nito kay Louie sakali ma't hindi namatay ang bata? Ikalawa, bakit masyadong naging hayagan ang relasyon nina Vilma't Dindo lalo pa kung isasaalang-alang ang kanilang tayo sa sosyedad? Ikatlo, kung totoong mapera si Vilma, bakit nahirapan siyang kumontak ng abortionist at dahil nga dito'y isinugal pa ang buhay? Kung tutuusin, lalo pang naging prominente ang mga kakulangang ito dahil lubusang nag-rely ang pelikula sa samu't saring medical convolutions ng plot: kesyo may anak nga si Vilma pero blue baby naman at kesyo hindi rin siya puwedeng manganak ulit dahil sa sakit niya sa puso (at ang mga ito ay nakapagtatakang hindi pa nalalaman ni Dindo).
