Friday, November 27, 2015

1998 Mayoral Political Campaign


Ano ang makapangyarihang puwersa na nagbubunsod sa isang maningning na bituin ng puting tabing upang pasukin ang masalimuot na daigdig ng pulitika? Bakit ninanais pa niya ngayon na ialay ang sarili sa paglilingkod sa bayan, magtiyaga sa limitadong kita at bilang isang halal na opisyal at isakripisyo ang kanyang maginhawa at marangyang pamumuhay bilang aktress at reyna ng pelikulang Pilipino? Maraming hindi makapaniwala nang magpasya ang premyadong aktress sa pelikula at telebisyon, Vilma Santos, na kumandidato sa pagka-alkalde ng Lipa City, ang pamosong lunsod sa Batangas. Ito ay taliwas sa paulit-ulit na pahayag ng kanyang asawa, kongresista Ralph Recto (Lakas-NUCD, ikaapat na distrito ng Batangas) na tama na ang isang pulitiko sa kanilang pamilya. Sinabi ni Recto, isa sa pinakabatang kongresista at naturingang Benjamin ng House of Representative, na buo ang kanyang pagsuporta sa pasya ni Vilma na tumakbo sa pagka-alkalde.

Si Recto mismo ay tumatakbo sa ikalawang sa term sa kanyang distrito. Ang kandidatura ni Vilma ay isa sa pinakamalaking balita sa larangan ng pulitika nang opisyal itong ipahayag ni Pangulong Ramos sa kanyang pakikipagpulong sa mga lider ng Batangas sa Batangas City ilang araw bago dumating ang deadline ng pagrerehistro ng mga kandidato sa kongresyunal at lokal na posisyon. At dahil batid ng mga editor ang matinding interes ng publiko sa ganitong kakaibang balita, ito ay naging laman ng front page ng mga diyaryo. Ngunit bago pa ihayag ng Pangulo na si Vilma ang napiling opisyal na kandidato ng administrasyon sa pagka-alkalde ng Lipa, ito ay ipinabatid na ng aktress sa isang showbiz program sa ABS-CBN Channel 2, na kung saan si movie-journalist Cristy Fermin ang host. Sa naturang programa ay nagpahiwatig na kaagad ang aktress ng determinsayon na magwagi sa harap ng propaganda ng kanyang kalaban na nagmamaliit sa kanyang kakayahan.

"Huwag na huwag akong mamaliitin ng aking katunggali sa pulitika, kahit ngayon lang ako pumasok sa larangang ito, sapagkat marunong akong lumaban at at ako ay lalaban," wika niya na nababanaagan ang kanyang matibay na paninindigan. Kaya lalupang naging mainit ang interes ng madla sa bagong papel ni Vilma bilang pulitiko ay sapagkat ang buong akala ng marami ay ang aktres-singer na si Sharon Cuneta ang talagang papasok sa pulitika. Matagal nang usap-usapan ang posibleng pagtakbo ni Sharon sa pagka-alkalde ng Pasay City, kapalit ng kanyang octogenerian na ama, Mayor Pablo Cuneta na mahigit na 30 taon nang nasa kapangyarihan sa naturang siyudad. Subalit minabuti pa ni Sharon na manatili sa Estados Unidos kapiling ang kanyang asawang si Atty. Kiko Pangilinan. Siyempre pa, may kahalo ring intriga ang pagganap ni Vilma ng kanyang bagong papel bilang pulitiko.

Ito ay sapagkat ang kanyang kumare at matagal na karibal sa pelikula, aktress Nora Aunor, ay aktibong nangangampanya kay Bise Presidente Joseph Estrada, ang kandidato sa pagkapangulo ng Laban ng Makabayang Masang Pilipino (LAMP). At dahil si Vilma at Ralph ay parehong nasa Lakas, sino pa ang kanilang ikakampanya kundi ang pangunahing kalaban ni Estrada - si Speaker Jose de Venecia Jr. - na kanila ring ninong sa kasal. Eh, kilig naman si De Venecia. Biro ninyo, mayroon na siyang panapat kay La Aunor! Ang napiling runningmate ni Vilma ay si Boy Manguera, isa sa mga pangunahing konsehal ng Lipa at dalawang beses nang naglingkod bilang miyembro ng sangguniang panlalalawigan ng Batangas. Si Vilma ay isang iginagalang na institusyon sa industriya ng pelikula. Siya ay tsikiting pa nang magsimula siyang lumabas sa pelikula. Bilang isang teenager ay lumabas siya sa mga pelikulang comedy, aksiyon, musikal, at hinggil sa mga romantikong relasyon ng mga batang mangsing-irog. Madalas niyang makatambal si Edgar Mortiz, isa sa mga singing sensation ng late 1960s at early 1970s.

Ang tamabalang Vilma-Edgar ang isa sa pinakasikat na love teams ng panahong iyon. Hindi natagalan, si Vilma ay naging pinakasikat na dramatic actress. Ginampanan niya ang iba't ibang papel na pinakamimithi ng mga babaeng artista at halos lahat ng kanyang pelikula ay naging blockbuster. Naging katambal niya ang batikang aktor na kagaya nina Christopher de Leon, Dindo Fernando, Romeo Vasquez, Edu Manzano at maging si Fernando Poe Jr. Ilang beses nang napiling pinakamahusay na aktress si Vilma ng iba't ibang award-giving bodies kagaya ng Filipino Arts of Movie Science ang Arts (FAMAS), Philippine Movie Press Club (PMPC), Metro Manila Film Festival, Manunuri ng Pelikulang Pilipino at Filma Academy of the Philippines. Maraming kritiko na nagsasabi na hindi dapat samantalahin ng mga artista ang kanilang kasikatan upang maluklok sa kapangyarihan sa gobyerno. Ngunit sa kabila ng ganitong hindi matigil na puna, lalupang dumarami ang mga artistang pumapasok sa pelikula.

Parang nagsilbing inspirasyon sa mga artista ang pangingibabaw sa pelikula ni Bise Presidente Estrada, na hari ng pelikulang tabing bago maging alkalde ng San Juan at sendor. Sa Senado ay tatlo ang miyembro ng Senado na galing sa showbiz - Tito Sotto, Ramon Revilla, at Freddie Webb. Kabilang sa mga matagumpay na artista sa larangan ng pelikula sina Gobernador Lito Lapid ng Pampanga, Mayor Rey Malonzo ng Kalookan, Mayor Jinggoy Estrada ng San Juan, Bise Alkalde Herbert Bautista ng Quezon City, Konsehal Fred Montilla at Connie Angeles ng Quezon City, Gobernador Ramon "Bong"Revilla ng Cavite at yumaong Konsehal Augusto "Chiquito" Pangan. May mga pumupuna na ang pulitika ang tagasalo sa mga artistang papalaos na. Iyan ang nababanggit ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Manuel Morato. Si Morato, na tumatakbo sa pagka-pangulo sa ilalim ng Partido ng Bansang Marangal (PBM), ay dati ring chairman ng Movie and Television Review and Classification board (MTRCB).

Sinasabing ang pelikula ay daigdig ng pantasya at likahang isip. Ngunit ang tutoo, ang pelikula ay salamin ng tunay na buahy. Marming uri ng kahirapan, pang-aapi, karahasan, kasakiman at katiwalian ang isinasalarawan sa pelikula. Ngunit ang tutoo, kadalasan ay mas masahol pa ang mga kapangitan at kasamaan na nararanasan natin sa tunay na buhay. Upang maging reyalistiko at kapani-paniwala ang pagganap ng isang artista, kailangan ng isang tao o karakter na kanyang ginagampanan. Kailangang nadarama niya nang lubusan kung ano ang kanilang nasasa-isip o plastik ang kanyang dating sa puting tabing. Kung ganito ang pinagdaaanan at karanasan ng mga artista, hindi isang eksahirasyon na sabihin na taglay nila ang magagandang katangian upang maging epektibo sa pulitika. Suriin natin ang background ni Vilma. Napakaraming pelikula ang kanyang ginawa na tinatawag na may panlipunang kahalagahan o social relevance.

Nandiyan na siya ay lumabas na aktibistang madre sa pelikulang "Sister Stella L"na kung saan namuno siya sa kilusan para itaguyod ang mga karapatan ng naaping manggagawa. Sa pelikulang "Burlesk Queen", siya ay gumanap sa papel ng isang dalagita na napilitang maglantad ng kanyang katawan upang makabangon lamang sa paghihikahos ang kanyang pamilya. Hindi kataka-taka kung ang mataas na kamalayang panlipunan na nahinog sa mahabang panahon ng pag-aartista ang nagbulong at naghikayat kay Vilma upang mahatak sa kandungan ng pulitika. Sa anumang desisyon ng isang tao, ang isip at kunsensiya niya ang nagdidikta. Nabatid kaya ni Vilma sa kanyang paglilimi-limi at pagtitimbang ng lahat ng bagay na sa pamamagitan ng paglilingkod sa bayan magkakaroon ng kabuluhan ang kanyang buhay? Sumagi kaya sa kanyang isip at damdamin na pagkaraan ng panahon ng pagtatamasa ng yaman, ginhawa at kasikatan ay kapakanan naman ng kanyang mga kababayan ang kanyang dapat na asikasuhin?

Tutoo rin marahil na malaki ang naging impluwensiya ni Ralph sa desisyon ng kanyang maybahay. Ang pamilya ni Ralph - ang mga Recto - ay iginagalang na pangalan sa larangan ng pulitika. Siya ang apo ng dakilang Senador Claro M. Recto, na itinuring na isa sa ama ng nasyonalismo ng ating republika. Kagaya rin ng mga Laurel ng Batangas at Osmeña ng Cebu, nananalaytay sa dugo ng mga Recto ang pagiging pulitiko. At kagaya rin ng anumang makapangyarihang bagay, ang pulitika ay nakakahawa. Kapag ikaw ay kinagat ng political bug, malamang na hindi ka na makakaiwas dito. Sa pagdaan ng mga araw, unti-unting nakukumbise ni Vilma ang kanyang mga kababayan na seryoso at matapat ang kanyang layunin. Humanga sila sapagkat marunong pala siyang maghanda para sa bagong landas na kanyang tinatahak. Nabatid ng mga taga-Lipa ang mga balakin at programa na pinamagatang "Vilma Santos-Recto, Ihalal na Ina ng Bayan. Pag-asa ng mga Lipeño. Para sa Makabuluhang Pagbabago."

Ngayon, hindi na sila nagtataka kung bakit halos pulos obra-maestra ang kanyang mga ginagampanang papel sa pelikula. Kagaya rin ng isang magandang iskrip sa pelikula, inilahad ni Vilma ang inaakala niyang dapat niyang gawin bilang alkalde ng Lipa. "Kalinga ng ina ang hinahanap ng bayan ng Lipa. Pagmamahal ng ina ang kailangan ng mga Lipeño. Para sa Makabuluhang Pagbabago." pahayag niya. Para sa pangkaraniwang pulitiko, ang posisyon sa gobyerno ay madalas pagsamantalahan para sa pagkakamal ng kayamanan. Matapos bitiwan ang pangako, nalilimutan nila na asikasuhin ang pangangailangan ng kanilang mga kababayan. Nalalasing sila sa kapangyarihan at ang turin sa sarili ay mga hari. Nalilimutan nilang ang salapi ng bayan ang dapat bumalik sa kanila sa pamamagitan ng serbisyo-publiko. "Ang mga kalabisang ito ay hindi gagawin ng isang inang-bayan na may tunay na malasakit sa atin. Kapag ako ay nabigyan ng pagkakataong maglingkod sa mga Lipeño, hindi ako mabubulag sa kapangyarihan. Hindi ako magkakamal ng kayamanan. Walang partido sa pamumuno at negosyo.

Tayo ay magmamalasakit laluna sa mga mahihirap. At uunahin ang paglilingkod sa mga tao. "pahayag ng butihing aktres. Ipinahayag ni Vilma ang kanyang mga pangunahing layunin: Tugisin ang panunuhol at korapsiyon, linisin ang pamahalaang bayan; Gawing malaya at pantay-pantay ang kompetisyonsa negosyo; Labanan ang problema sa pagbebenta at pag-aabuso ng bawal na gamot; Itigil ang pagtaas ng upa sa palengke at pagandahin ang pamilihang bayan; Ayusin ang trapiko ng bayan; Ipaglaban at isulong ang ating kabuhayan at tigilan ang paglaganap ng kahirapan. Kabilang sa mga proyekto na balak niyang ipatupad ay ang pagpapataas ng edukasyon at pagtulong sa mga mahihirap na mag-aaral, regular at malawak na pagbabakuna, malinis na tubig at kubeta, pagtatayo ng "Aksiyon-Agad Express Service Center", paglalagay ng Complaints Desk sa munisipyo, pagpapataas ng kaalaman ng mga kawani ng city hall, pagpapalakas ng community-oriented policing system, crime prevention program, at modernisasyon ng mga daan at imprastrakturang pambayan.

Ang nagtakbo ni Vilma ay minamatyagan ng buong bansa sapagkat ang kanyang kabangga ay ang maimpluwensiyang Umali clan na maraming taon na ring kumokontrol sa kapangyarihan sa Lipa. Samantala, napag-alamang naging mas maingat sa seguridad ang magasawang Vilma at Ralph sa harap ng ulat na may mga inupahang goons ang kanilang mga kaaway sa pulitika. Ngunit sinabi ni Vilma na hindi siya nasisindak, kung tutoo man na may nagbabanta sa kanyang buhay. "Wala akong dapat ikatakot dahil wala naman akong ginagawang masama. Batid ko rin na buo ang suporta sa akin ng mga kababayan ko. At kapag kasama mo ang iyong mga kababayan, sila mismo ang iyong protektor. Magkakasama kami...sa panganib, sa sakripisyo at sa napipintong tagumpay," pahayag ng batikong aktres. - Feliciano V. Maragay, Photos: Eddie Villanueva, Pilipino Reporter Magasin, 24 April 1998

Translate

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...