Nang bata pa ako natatandaan ko na madalas kong tuksuhin ang mga kalaro ko ng “negro!” Wala sumasaway sa akin at madalas ko pa ngang naririnig sa mga matatanda na naguusap tungkol sa kapangitan kapag ang isang bata o tao’y maitim. Hindi ko naisip ang mga ganitong bagay ay babalik sa aking kaisipan ngayong ako’y matanda na. Sa mga Filipino ang pagkakaroon mo nang maputing kulay ng balat ay isang magandang bentahe. Marahil ito ay nakuha natin ito sa panahong nasa ilalim ang ating bansa ng pamahalaang amerikano. Na-colonized tayo nang husto pati ang ating pangkaisipan ay nahaluan ng banyagang konsepto na ang pagkakaroon ng kulay putting balat ay maganda sa paningin. Kung sasaliksikin mong mabuti maging ang panahon ng kastila ang pagkakaroon ng maputing balat ay isang magandang bentahe. Kapag ang isang Filipino’y may maputing balat senyales ito nang may dugong banyaga at ang tingin ng karamihan ay mas mataas kaysa sa mga Filipinong may kayumangi o may kaitiman ng
balat. Sa mga manunulat naging isang isyu sa ating pagiging isang tunay na Filipino ang ating mentalidad na ito. Bakit raw nating dino-diyos ang mga taong may mestisong kulay ng balat? Bakit raw hindi natin mahalin ang sarili nating pisikal na karaterisasyon? Kayumanging balat. Pandak. Pango. Ito raw ang tunay na imahen ng isang Pilipino. Nakita ko ang mga puntong ito nang magkaisip na ako. Pero tulad ng mga ibang nasyon. Ang pilipino’y may mahabang kasaysayan. Sa kasaysayang ito nating makikita na maraming dugong nanalantay sa ating balat. Merong tayong dugong indyo, malayan, hapon, tsina, kastila at amerikano. Kung kaya naman paano mo masasabing ano ang tunay na kahulugan ng pagiging isang tunay na Pilipino?
Pagbabasihan mo lang ba ang kulay ng balat? Sa kulay ba ng balat makikita ang iyong katapatan sa ating bansa? Kung maputi ba ako ay kulang ang pagiging isang Pilipino ko? Kung tsinita ba ang mata ko’y hindi ako isang tunay na Pilipino? Naguguluhan ako minsan ngunit nang mangibang bansa ako ay naliwanagan ang aking kaisipan. Hindi nakikita sa pagiging isang kayumangi ang pagiging isang tunay na Pilipino. Nasa gawi ito, nasa kilos. Sa showbiz, nang bata pa ako’y makikita ang mangilan-ngilan na may kaitiman o kayumanging balat tulad ni Diomedes Maturan na sinasabi nilang Perry Como of the Philippines. Sa mga manunulat, binunyi nila ang pagiging isang tunay na Pilipino ni Diomedes. Tunay ngang mukhang Pilipino si Diomedes dahil sa kayumanging kulay nito kahit na itoy hindi pandak. Ngunit madalas ang mga inaawit nito’y mga kantang ingles tulad ng Rose tattoo habang suot ang isang plantsadong suit o ang tawag rito nuo’y amerikano! Sa mga komedyante, dalawang tao ang may kayumanging balat na sumikat nuon. Sa babae nangunguna si Elizabeth Ramsey. Tulad ni Diomedes Maturan na produkto ng Tawag ng Tanghalan si Elizabeth ay produkto naman ng pakontes ng kantahan ng programang pangtelebisyon na Student Canteen. At kung si Diomedes ang Perry Como ng Pilipinas si Elizabeth naman ang Eartha Kitt ng Pilipinas. Kayumangi man ang balat ni Elizabeth Ramsey at maging ang ilong niya ay may pagka-pango, ang pagsasalita naman niya at lalo na ang pagkanta ay pawang sa salitang ingles.
Sa mga lalaki naman ng mga komedyante, si Chiquito ang may kayumanging balat. Tulad ni Elizabeth Ramsey may pagkapango at pandak ito tunay na opposite ni Dolphy na mestiso, matangos ang ilong at may kataasan sa kanya. Ang itsura ni Chiquito na sinasabi nilang pilipinong-pilipino ay duon na lang natatapos dahil sa pananamit naman ay makikitang laging naka-suit ito na tawag nuo’y amerikano. Makikita ring laging nakapomada ito na parang si doble-o-seven. Kasabay nito ang putol putol nitong pag-i-ingles sa maraming pelikula nito. Sa mga aktres natin, hindi ko malilimutan ang tahasang pagbibigay ng kahalagan sa kagandahan ng mestisa o maputing balat sa pelikula ni Gloria Romero nuong 1953, ang Cofradia. Maliit na bata pa lamang ako at ito marahil ang isa sa mga naglagay sa isip ko na kapag maitim ang balat mo’y pangit ka. Ilang beses ko itong napanood sa tanghaling tapat sa telebisyon. Ang pelikula’y tungkol sa maitim na babae. May nagbigay sa kanya ng isang kandila. Kapag sinindihan niya ang kandila ay nagiging maputi siya. Sa isang munting bata ang matanim ang ganitong kaisipan ay tahasang mali at hindi magandang makagawian. Kung nanatili man sa kaisipan ko ang konseptong ito’y tahasan kong natutunan na wala sa kulay ng balat ang tunay na kulay na pagiging isang tao. Kung kaya naman nang lumaki ako’y alam ko na ang mestisang si Gloria Romero sa mga luma niyang pelikula larawan ng isang Filipina kahit na hindi kayumangi ang kanyang balat. Hindi ko nakitang kumanta si Gloria sa salitang ingles at kadalasan ang mga pelikula niya ang salita niya’y purong tagalog.
Sa mga manunulat, madalas nilang sinasabi na ang malaki raw ang naiambag ng mga nakalaban ni Vilma Santos na ang ilan ay may kayumang balat sa lokal na sining. Ang kanilang argumento ay mahirap sa isang Pilipino na may kayumaging balat na pasukin ang larangang ito na hitik sa mga mistiso at mistisang artista, mula pa nuong panahon ng mga kastila, hapon at amerikano. May punto ang mga manunulat na ito. Tutoong nakatulong nga ang ilan sa kanila na buwagin ang pinto upang mabigyan daan ang lahat na gustong pumasok sa pag-aartista lalo ang mga taong may kayumanging balat. Ngunit tulad ng mga Kayumaging kaligatan ng ilang sumikat, ito raw ay ang imahen ng isang tunay na Pilipino. Kung susuriin, hindi ito ang dapat na basihan, kundi ang iyong kilos at gawa. Ang ilan sa mga ito'y madalas kumanta at gumawa ng mga plaka sa wikang banyaga kaysa sa ibang mga manganganta na may maputing balat. Maputi man o kayumangi ang mga awiting banyaga ang kanilang mga kinakanta na taliwas sa imaheng kanilang sinisigaw. Sa dinami dami ng mga naisa-plaka ng kanilang mga binabandilang kalaban ni Vilma, karamihan rito'y mga ingles ng kanta, iilan lamang ang plakang tagalog.
Para sa akin, ang imahen ng isang tunay na Pilipino ay hindi nakikita sa kulay ng kanyang balat. Nakikita ito sa kilos at gawa. Tunay ka, ang mentalidad na pumasok sa aking isip ng ako’y bata pa, na kapag maitim ang balat mo’y pangit ka’y mali at hindi dapat panatilihin sa kaisipan ng lahat. Kahit ano pa ang kulay ng iyong balat hindi ito dapat maging basihan kung anong klaseng tao ka. Sa mga Pilipino, kayumangi man ang balat mo kung ang kilos mo’t gawa naman ay hango sa mga dayuhan hindi ito ang tunay na imahen ng isang tunay na Pilipino. Kayumangi man o maputi ang balat mo. Matangos man o pango ang ilong mo. Singkit man ang mata mo. Ang kilos mo at gawi ang pagbabasihan ng pagiging isang tunay mong Pilipino. At dito ko sasabihin sayo na ang isang Vilma Santos lamang ang mayroong mas malalim na naiambag sa pelikulang tagalog. Sa kanyang maraming pelikulang naglalarawan ng mga kinasusuungan ng buhay ng maraming Pilipina. Mga peministang karakter at kasaysayan. Mga imahen ng isang tunay na Pilipina, mga lumalaban na karakter at hindi nagpapa-martir lamang. Ito ang mas mahalagang na-iambag niya kahit na ang kulay ng balat niya’y mistisa at mukha siyang may dugong tsina. Si Vilma Santos na sa loob ng siyam na taon at patuloy na nagbibilang ng panahon na naninilbihan sa bayan. Ito ang kilos at gawi ng isang tunay na imahen ng Pilipino.
Ispesyal na mensahe: Sa mga taong nagbabasa nito, matutunghayan natin ang mga inpormasyon tungkol sa isyu ng “racism” at diskriminasyon, ilan sa mga web-site na may mga inpormasyon ay: UN Anti-Racism/Discrimination Day; at International Day for the Elimination of Racial Discrimination, muli, wala sa kulay ng balat ang tunay mong pagkatao…Kung maitim man ang iyong balat hindi nangangahulugan na pangit ka o pangit ang ugali mo, o kung ika'y mistisa o mukhang tsina ay hindi ka na larawan ng isang Pilipino, ito ay nababase sa kilos at gawa, na dapat nating ipaliwanag sa mga kabataan. - RV
Ispesyal na mensahe: Sa mga taong nagbabasa nito, matutunghayan natin ang mga inpormasyon tungkol sa isyu ng “racism” at diskriminasyon, ilan sa mga web-site na may mga inpormasyon ay: UN Anti-Racism/Discrimination Day; at International Day for the Elimination of Racial Discrimination, muli, wala sa kulay ng balat ang tunay mong pagkatao…Kung maitim man ang iyong balat hindi nangangahulugan na pangit ka o pangit ang ugali mo, o kung ika'y mistisa o mukhang tsina ay hindi ka na larawan ng isang Pilipino, ito ay nababase sa kilos at gawa, na dapat nating ipaliwanag sa mga kabataan. - RV