Celso Ad. Castillo's Burlesk Queen surpasses past attempts to integrate cinematic qualities in a film and Castillo's own previous experiments, which critics found bombastic and purely commercial. Like no other film by Castillo or other directors, Burlesk Queen, with its synchronized techniques and the significance of its message successfully gives substance to the trendy subject of sex-for-sale. The movie tells of a teen-age burlesque dancer in the '50s, who suffers deprivation, personal crises, alienation, and in the end, an abortion as she dances her grand finale for survival. With such a simple plot, the movie laudably brings together the talents of director Castillo, screenwriter Mauro Gia Samonte, musical director George Canseco, actors Vilma Santos, Rollie Quizon and Roldan Aquino, cinematographer Ben Lobo, and editor Abelardo Hulleza.
Castillo's creativity is seen in the use of radio darma and music, meaningful gestures, and visual metaphors or allusions to give added psychological and emotional dimensions to dramatic situations. Lucid exposition and delineation of the conflict are carried out through particular techniques like ensemble acting to reveal the individual characters' needs, emphasis on visual details rather than talky dialogues to drive home a point, and active camera movements (cuts) to suggest the passage of time in the burlesque dancer's career. The tragic ending is prepared for by a logical presentation of what happens eventually to all the characters. Artistic form and meaningful content merge to convey the film's statement on society's view of low-class entertainment. Moralist censure burlesque dancing, but as the stage impressario in Burlesk Queen asks, what form of entertainment then should be given to ordinary people who cannot afford to watch shows which are exclusively for the rich who dictate the community's morals? The irony lies in the fact that while audiences are entertained, the performers' lives are none of their concern. For these cheap entertainers who dare to live outside society's moreal laws, there is only condemnation. - Jun Cruz Reyes, The URIAN Anthology 1970-79, reported by Simon Santos, Video48 Blogspot, 27 August 2018 (READ MORE)
Maraming reklamo ang tagasubaybay ng pelikulang Pilipino. 'Yun nga namang mga paksa noong "nineteen forgotten" at panahon ng kopong-kopong tulad ng pag-iibigan ni mahirap at ni mayaman ay siya pa ring kinagigiliwang tema hanggang ngayon. Sabi nga, ang mga ganitong pelikula ay maikukumpara sa mga dulang panradyo. Puwedeng ipikit ang mga mata sa loob ng sinehan at pakinggan na lamang ang usapang kinargahan ng waring walang katapusang "ngunit papa" at hagulhulan. Kung nakakaasar ang pelikulang mala-radyo ay ganoon din ang pelikulang mistulang pang-TV naman. Ito ang klase ng pelikula na ang mga tauhan ay pirming nasa sala at nagwawalis habang nag-uusap dahil wala nang ibang set na mapuntahan. Sa ganitong pelikula ay waring tinatamad ring kumilos ang isa o dalawang kamera. Sa dalawang salita, ito ang klase ng pelikula na tinipid at pinag-ubra. At siyempre ang resulta ay basta-basta. Mayroon ding pelikula na para namang komersiyal na dadaanin ka sa ganda ng sinematograpiya na sa biglang akala'y parang maganda, pero tulad ng paninda'y walan naman palang lasa. Sa madaling salita nawawala ang tinatawag na pelikulang de-kalidad at ang sangkap nitong "refreshing touch." Sa pag-eeksperimento ng mga direktor, may ilang nakahulagpos sa pelikulang mala-radyo at mala-pang-TV. Gayumpaman, marami sa nag-eksperimento ang hindi makakapa ng tamang pormula, ang pagtutulungan ng maraming tauhan sa paggawa ng pelikula, tulad ng kombinasyon ng magandang istorya, mahusay na direktor, makinis na sinematograpiya, matinong editing, mahusay na set, angkop na tugtugin at mahusay na pag-arte. Kapag napag-isa ang mga sangkap na ito, nakakapanood na nga tayo ng isang mahusay o namumukod-tanging pelikula.
Si Celso Ad. Castillo ay marami nang naunang ekspiremento. Pero pumaltos sa pamantayan ng mga manunuri. Maraming nagsuspetsa na may ibubuga siya, pero hindi lang talaga maibuga nang nasa tiyempo. Malimit ang kanyang pelikula ay maingay at maraming sobra. Halimbawa, maraming karahasan na wala namang katuturan ang kanyang Madugong Daigdig ni Salvacion, seksing walang kadahilanan (pinagandang garapal) ang kanyang Pinakamagandang Hayop Sa Balat Ng Lupa, numero unong manggagaya ang kanyang Maligno, at sabog-sabog ang kanyang pinakamagandang nagawa, ang Daluyong at Habagat. Kung may magkamali mang pumuri kay Celso, iyon nama'y halos pakunsuelo-de-bobo lamang, at hindi ito sapat para itaas ang kanyang pedestal sa ranggo nina Bernal, Brocka at Romero. Wari ngang napako sa komorsiyalismo ang direktor na inaabangang maglalabas ng natatagong talino. Lalong nagduda sa kanyang kakayahan ang mga kritiko nang kumalat ang balita na gagawa siya ng serye sa TV na ala-Cleopatra Jones na papamagatan naman niyang O'Hara. Pero ang direktor na ipinapalagay na laos ay biglang pumalag nang walang kaabog-abog. Bigla'y nabalitang may inihanda raw itong pang-festival na ikinataas na naman ng kilay ng kanyang mga kritiko. "Aber tingnan," ang pasalubong sa balita. At sa preview ng kanyang Burlesk Queen, biglang napa-mea culpa ang ayaw maniwalang may ibubuga nga si Celso. Tiyak na naiiba ang Burlesk Queen, kahit ikumpara sa mga naunang trabaho ni Celso at sa iba pang direktor na nagtangkang tumalakay sa paksang ito. Matagal-tagal na rin namang nauso ang kaputahan sa pelikula, pero walang nakapgbigay ng katarungan sa lahi ni Eva bialng Pilipina at bilang puta. Sa Burlesk Queen, para kay Celso ay hindi nangangahulugan ng pagpapakita lamang ng utong, puwit, o singit, kung hindi isang kapani-paniwalang dahilan na nangyari sa isang makatotohanang kapaligiran.
Sa kanya, ang tao ay hindi bast maghuhubad at magtatalik. Maraming pangyayari sa buhay ang dapat munang linawin at unawain, at iyon ang basehan ng kasaysayan. Simple lamang ang plot. Isang tinedyer si Vilma Santos na alalay ng isang orihinal na burlesk queen, si Rosemarie Gil. May tatay na lumpo si Vilma, si Leopoldo Salcedo. Si Rosemarie naman ay may kabit na hustler, si Roldan Aquino. Nang iwanan ni Roldan si Rose, nagwala ang huli. Naging lasengga siya at tumangging magsayaw sa tanghalan. Mabibitin ang palatuntunan, kaya't si Vilma na talaga namang may ambisyong magsayaw ang pumalit. Hit naman sa manonood si Vilma. Sa bahay, pilit kinukumbinsi ni Vilma si Pol na payagan na siyang maging full-time danser. Ayaw ni Pol, mas mahalaga sa kanya ang prinsipyo at delikadesa. Sapagkat wala namang ibang pagkakakitaan, si Vilma rin ang nasunod sa bandang huli. Nag-suicide si Pol nang hindi na niya masikmura ang pasiya ng anak. Si Rollie Quizon naman ang binatilyong masama ang tama kay Vilma. Nagtanan sila at nagsama. Pero hindi sanay sa hirap si Rollie. Sa pagpili sa pag-ibig o ginhawa sa buhay, ang huli ang pinahalagahan niya. Nagkaton namang buntis na si Vilma. Sa pag-iisa sa buhay, nagbalik siya sa pagsasayaw. Nagsayaw siya nang nagsayaw hanggang duguin siya sa tanghalan at malaglag ang kanyang dinadala. Bagama't simple ang plot ay hindi naman masasabing simple ang pamamaraang ginawa rito ni Celso. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nangyari sa isang pelikula ang pagsasama-sama ng magandang istorya, mahusay na direksiyon, magaling na pag-arte ng mga tauhan, masinop na musika, magaling na editing at angkop na sinematograpiya.
Sa Burlesk Queen ay nagsama-sama ang talino ni Celso (direktor), Mauro Gia Samonte (story and screenplay), George Canseco (musical director), Ben Lobo (cinematographer), at Abelardo Hulleza (editor). Kung may ipipintas sa pelikula, iyon ay ang hindi malinaw na pagbuhay sa panahon na nangyari ang kuwento. Kung minsa'y maiisip na nangyari ito sa panahon ng kasikatan ni Elvis noong 1950s. Pero kapag pinansin na maraming ekstrang may mahabang buhok, may wall paper at sintetikong sako ang bahay nina Vilma ay maari namang sabihing baka naman pa-Elvis craze lamang ang mga tao roon. Pero may pulitiko, at Yabut, at may dagdag pang Connie Francis bukod sa motorsiklong Lambretta at mga kotseng Buick. Kunsabagay, maliliit na detalye lamang ito na agad makakalimutan kapag ang inasikaso ay pagbubuklat sa magagandang punto ng istorya. Tingnan natin ang ilang magagandang eksena sa pelikula. Sa ikalawang eksena ay nagtatanong si Vilma kay Rosemarie kung puwede rin siyang maging danser. Walang malinaw sa sagot ni Rose, pero ang timing ng background music na "It's Now or Never" ay makahulugan. It's Now or Never nga, payo ni Elvis. At kung kailan siya maaaring mag-umpisa. Tomorrow, sabi ng kanta. Ang ganitong sagot ay nasa mukha ni Rose, pero hindi na kailangang sabihin.
Ang ganitong pamamaraan ay tinatawag na creativity ng direktor, na nagdagdag ng ibang pamamaraan sa paghahayag ng damdamin ng tauhan. Sa paglakad ng istorya, dapag ding pansinin kung paano ang karakterisasyon ay binubuhay dito. Halimbawa, sa isang eksena na nangyari sa isang patahian ay nag-abot sina Dexter Doria, ang bagong kabit ni Roldan Aquino, at si Rose. Naroroon din si Vilma at sa hindi kalayuan ay si Rollie. Maliwanag na may kaniya-kaniyang pangangailangan ang mga tauhan at magkakasama sila sa iisang eksena. Walang nakawan ng eksena na naganap dito. Nag-insultuhan sina Dexter at Rose, natameme si Roldan at waring walang pakialam sina Rollie at Vilma na panay-na-panay ang kindatan. Lalo namang walang pakialam ang dalawang pulubi na tumutugtog ng biyolin (na siya ring background music) sa mga nagyayari. Limos ang mahalaga sa kanila. Sa eksenang ito'y may gamit ang lahat ng tauhan, wala sa kanilang nagsilbing dekorasyon, walang nag-o.a. at pare-pareho nilang ginawang makatotohanan ang komprontasyon. Magandang halimbawa ito ng orchestrated acting. Kung allusions naman ang pag-uusapang, marami ritong mga sariwang metapora na mababanggit. Isa rito ang mahusay na pagpapakita ng birhen pa si Vilma sa sex act nila ni Rollie. Habang sa likod ng tanghalan ay may nagaganap sa magkasintahan, sa tanghalan ay nang-aaliw naman ang mga akrobat na sinundan na isang madyikero na tumutusok ng sariling noo, nagbabaon ng pako sa ilong at lumululon ng espada. Masakit tingnan iyon. At ganoon din ang nararanasan ni Vilma sa likod ng tanghalan sa piling ni Rollie. Hindi rin madaldal ang pelikula. Kung itatanong kung paano tinanggap ni Pol ang pasiya ng anak, nagtulos na lamang siya ng isang makahulugang kandila sa altar na para na ring sinabing "bahala na ang Diyos sa iyo."
Kung paano naman ipinakitang naging mananayaw na nga si Vilma, sapat nang ipakita ang isang trak na nagbababa ng isang wheel chair na ipapalit sa lumang tumba-tumba ng ama. Maging ang paglakad ng panahon ay nararamdaman din ng manonood kahit hindi ikuwento o ipakita ang kinagawiang pamamaraan at ulat ng "nalalaglag na dahon ng kalendaryo o dahon ng puno kaya." Sunod-sunod na cuts na nagpapakita sa uri ng palabas sa tanghalang kinabibilangan ni Vilma ang ginawa ni Celso. Saka ito sinundan ng kuha naman sa bahay nina Vilma at Rollie. Nag-iinit ng tubig si Vilma habang nakikinig ng dula sa radyo tungkol sa buhay ng isang asawang tamad at ireponsable. Ganoon nga ang nangyayari sa buhay ng dalawa, at may kasunod ring "abangan sa susunod kabanata." Sa paghihiwalay ng dalawa, sapat na ring iparinig ang awiting "You're All I Want for Christmas" para buhayin ang irony na nagaganap sa relasyon ng dalawa. Kung makinis ang eksposisyon at pagbuhay sa tunggalian ng istorya, malinaw rin ang paghahanda sa wakas ng pelikula. Si Rose na laos na ay naging mumurahing puta. Si Dexter kahit hindi ipakita ay maliwanag na sumama na sa ibang lalaki. Si Roldan ay may bago nang kabit at napatay sa spiral staicase ng tanghalan na siya rin niyang dinadaanan sa paghahatid sa dalawang naunang kabit. Si Rollie, ang mama's boy, ay natural bawiin ng ina. Si Vilma ay nagsayaw nang nagsayaw. Sa simula'y mahinhin at nakangiti at kaakit-akit hanggang sa pagbilis ng pulso ng tambol at pompiyang balakang, upang sa pagbuhay sa damdamin ng manonood ay siya namang maging dahilan ng pagkalaglag ng sanggol na kanyang dinadala. Sa labas, matapos ang pagtatanghal, may tatlong bagabundong naiwan na nakatanghod sa larawang pang come on ng burlesk queen, habang ang kadilima'y bumabalot sa kapaligiran. Kung matino ang kaanyuan ng pelikula, ay ganoon din ang masasabi sa nilalaman. Makatotohanan at masinop ang pagtalakay sa buhay ng isang abang mananayaw. Tinatalakay rin dito kung paano siya tinatanggap ng lipunan at inuusig ng mga tagapangalaga raw ng moralidad. Maging ang empresaryo ng tanghalan na ginampanan ni Joonee Gamboa ay may konsiyensiya rin at nagtatanong sa atin kung anong panoorin ang dapat ibigay sa isang ordinaryong Pilipino na hindi kayang pumunta sa mga mamahaling kainan upang manood halimbawa ng Merry Widow at Boys in the Band. Ang stage show ang munting kasiyahan ng isang Pilipinong hindi "kaya ang bayad sa mga eksklusibong palabas ng mayayaman." Samantala'y abala tayo sa paglilibang at sa kanila'y walang pakialam ngunit may handang pintas at pula sa mangahas lumabas sa batas ng moralidad sa lipunan. - Jun Cruz Reyes, The URIAN Anthology 1970-79, reported by Simon Santos, Video48 Blogspot, 27 August 2018 (READ MORE)