Kinakaharap at Hinaharap ng Industriya ng Pelikulang Pilipino
ni Vilma Santos, U.P. Gawad Plaridel 2005 Awardee
Established in 2004 by the University of the Philippines (U.P.) College of Mass Communication, the annual
U.P. Gawad Plaridel is the sole award given in the U.P. System to outstanding Filipino media practitioners who have excelled in any of the media (print, radio, film, television, and new media) and have performed with the highest level of professional integrity in the interest of public service. The award is named after Marcelo H. del Pilar (nom de plume, Plaridel), the selfless propagandist whose stewardship of the reformist newspaper La Solidaridad helped crystallize nationalist sentiments and ignite libertarian ideas in the 1890s. Like Plaridel, the recipient of the award must believe in the vision of a Philippine society that is egalitarian, participative, and progressive, and in media that are socially responsible, critical and vigilant, liberative and transformative, and free and independent.
The first U.P. Gawad Plaridel was given to Eugenia Duran-Apostol in 2004 for her contributions to print media. For the year 2005, the award was given to an outstanding practitioner in film — Ms. Rosa Vilma T. Santos-Recto (aka Vilma Santos). She was chosen, among other reasons, for building a brilliant career which saw her grow from popular icon to professional actor through self-discipline and tireless honing of her craft; for bravely using her popularity as an actor to choose roles which bring to the public attention an astounding range of female experiences as well as an array of problems confronting women of different classes and sectors in contemporary Filipino society; and for bringing to life on screen characters whose stories have the effect of raising or transforming the consciousness of women, leading them a few steps closer to a deeper understanding of their situation vis-à-vis the patriarchy and to the ability to control their own lives and make empowered choices of their own.
As the 2005 awardee, Santos delivered this Plaridel Lecture during the
U.P. Gawad Plaridel Paggawad at Lektyur on July 4, 2005 at the U.P. Film Institute Cine Adarna (formerly U.P. Film Center). More than 1,000 people attended the event, among them National Artist Napoleon V. Abueva (who sculpted the U.P. Gawad Plaridel trophy); Senator Ralph Recto; U.P. President Emerlinda R. Roman; U.P. Diliman Chancellor Sergio S. Cao; 2004 U.P. Gawad Plaridel awardee Eugenia Duran Apostol; Film Development Council of the Philippines Chair Laurice Guillen-Feleo; Film Academy of the Philippines Chair Atty. Espiridion Laxa; ABS-CBN Executive Vice President Charo Santos-Concio; film directors Chito Roño and Jerry Sineneng; film critic Dr. Bienvenido Lumbera; writers Ricky Lee, Pete Lacaba, and Marra PL. Lanot; actor Tirso Cruz III; and faculty members and mass communication students from U.P. Officials, faculty members, and students from Miriam College, Polytechnic University of the Philippines, University of the East, Trinity College of Quezon City, Ateneo de Manila University, De La Salle University (Lipa), and the Batangas State University were also present.
Noong ginawa ko ang pelikulang
Ging (1964), ako ay sampung (10) taong gulang. Mahigit kumulang 200 pelikula na ang aking nagawa. Kaya sa araw na ito, nais kong ibahagi ang naging karanasan ko at mga pananaw sa mahabang panahong ito sa daigdig na pinanggalingan ko: ang daigdig ng pelikulang Pilipino, ang daigdig din na naging dahilan kung bakit ako ay nasa harapan ninyo ngayon, ang daigdig na ang sabi ng iba ay naghihingalo na. Malayong-malayo sa kasalukuyang paghihingalo ang industriya ng pelikula noong nagsisimula pa ako dito. Mula edad 9 hanggang 15 ay nakagawa na ako ng 25 pelikula, halos 5 pelikula bawat taon. Sa maagang panahong iyon, ako ay kumikita na. Ilan sa mga pelikulang ginawa ko noon ay ang
Trudis Liit (1963),
Anak, Ang Iyong Ina (1963),
Naligaw na Anghel (1964),
Hampaslupang Maton (1966) at
De Colores (1968). Hindi ko alam kung ang mga ito ay dapat kong ipagmalaki, pero para sa akin, dito ako nag-umpisa, at maaayos at magagaling ang mga pelikulang ito. Nakakatawa lang ang mga titulo. Pero ipinagmamalaki kong sabihing kumita ang mga pelikulang iyan. Kasi, wala pang pirated CDs at DVDs noon, wala pang cable television. Madalang pa ang dating ng dayuhang pelikula. Noong mga panahong iyon, mga 10 taon pa lang ako ay may teleserye na ako. Ito ay
Ang Larawan ng Pag-ibig. Primetime ito na ipinapalabas mula 6:00 hanggang 6:30 ng gabi. Noong nagdadalaga na ako noong 1960s at unang bahagi ng 1970s, pakanta-kanta at pasayaw-sayaw naman kami ng aking kasamahan. Kung hindi sa loob ng studio ay ginagawa namin iyon sa ilalim ng punong mangga. Sa loob lamang ng dalawang linggo ay may bagong pelikula na namang ipalalabas at tinatangkilik naman ng mga fans. Ilan sa mga pelikulang ito ay ang
Songs and Lovers (1970),
I Love You Honey (1970),
Edgar Loves Vilma (1970),
Takbo, Vilma, Dali (1972),
Hatinggabi Na, Vilma (1972), at
Vilma and the Beep, Beep, Minica (1974).
Totoo pong nakakatuwa ang mga titulo, pero noong mga panahong iyon, tuwang-tuwa ang mga fans, at lalo silang naligayahan noong ginampanan ko ang papel ng isang
Dyesebel at nang ako ay naging
Darna din. Pambihira ang mga fans noong araw. Ang tawag sa kanila ay mga fanatics. Ang ginagawa nila ay ginugupit lahat ng artikulo ng kanilang mga idolo, nililinis, inaayos at inilalagay sa album. Hanggang ngayon, sa aking tanggapan sa Lungsod ng Lipa, ay nagpupunta pa rin sila sa akin, mga kasing-edad ko na rin at ipinapakita nila sa akin ang mga album – iyong iba’y kulay sepia na – at pinapapirmahan. Pero dumating ang punto sa buhay ko na kailangan ko nang magpasya kung ano ang dapat na maging direksiyon ng aking buhay bilang isang artista. Ako ay ginabayan ng aking mga magulang at mga taong malalapit sa akin, tulad nina Atty. [Espiridion] Laxa, Manay [Marichu Maceda] at ang naging manager ko noon, ang yumaong si William Leary. Hindi naman maaaring habambuhay ay wala akong gagawin kundi magpa-cute sa mga papel na ginagampanan ko. Hindi na rin gaanong kinakagat ng mga tao noon ang mga love team. Noong mga panahong iyon, tumitindi na ang kompetisyon sa pag-arte. Naghahanap na rin ako ng mga pelikula na babagay sa edad ko, mga pelikulang masasabi kong puwedeng seryosohin. Naghahanap na ako ng matinong script, may istorya, may nilalaman, iyong maiintindihan ng mga tao, hindi hiwalay sa katotohanan. Nag-iisip na ako. At unti-unti nang nabubuo sa aking isip ang magiging direksyon ng buhay ko bilang isang artista. At nag-umpisa akong tumanggap ng mga pelikulang mas malaman kaysa doon sa mga naunang pelikulang aking ginawa. Malaman dahil mas may script, mas may istorya at direksyon. Kabilang sa mga pelikulang ito ang
Tag-ulan sa Tag-araw (1975) at
Nakakahiya (1975) at
Nakakahiya II (1976) kung saan nakasama ko ang namayapang si Eddie Rodriguez. Nariyan din ang
Dalawang Ibon, Isang Pugad (1977) na ginawa ko sa Lea Productions.
Ang mga pelikulang ito at iba pang ginawa ko noon ay nakatulong sa akin para mahasa ko ang aking kakayahan sa pag-arte. Bukod dito, kumikita rin ang mga pelikula ko noon at napakahalaga para sa mga prodyuser at artistang katulad ko ang kumikitang pelikula. Hindi tayo nawawalan ng assignment. Noon na may nag-alok sa akin ng isang pelikulang naiiba sa lahat ng pelikulang ginawa ko – ang
Burlesk Queen (1977). Hindi ko pa nagagawa ang papel na ginampanan ko rito. Kinakailangan nito ang ibang klaseng tapang ng loob. Naitanong ko sa sarili ko noon: Tanggapin kaya ako ng mga manonood sa ganitong papel? Ano kaya ang sasabihin ng mga madre? Ako ay nag-aral sa St. Mary’s Academy sa ilalim ng RVM Sisters. Kay rami kong pagtatanong at pagdududa. Hanggang sa mabasa ko ang script. Kay ganda ng script! Nagpasiya akong sumugal dito. Dalawampu’t tatlong taong gulang ako noon. Ang pelikulang ito ang nagmulat sa akin sa maraming bagay. Naging matagumpay ito. Pinilahan at pinuri pa ng mga kritiko. Binuksan pa nito ang isipan ng mga tao sa kalagayan at tibay ng loob ng isang babae. Naisip ko rin na kung lalo kong pagbubutihin ang pagganap sa pelikula, kung magiging propesyunal ako sa aking pagtatrabaho, at kung pipili ako ng mahusay na script, may mararating ako sa larangan ng napili kong mundo – ang mundo ng pelikula. Kaya lang puro mga commercial films ang dumadating sa akin noon, pero mga magagandang pelikula din naman. Ang mga ito ay hinango sa komiks at radyo, tulad ng
Sinasamba Kita (1982),
Gaano Kadalas Ang Minsan? (1982),
Paano Ba Ang Mangarap? (1983). Kumita ang mga pelikulang ito. At kapag marami kang pelikulang kumikita ay talagang sikat ka at mas marami ang offers. Ang kasabihan noon ay sukatan daw ng kasikatan ng isang artista ang tinatawag na box-office appeal niya. Mabuti na lamang at nariyan ang ating mga magagaling na direktor noong mga panahong iyon, katulad nina Ishmael Bernal, Lino Brocka, Mike de Leon, Laurice Guillen, at Marilou Diaz-Abaya.
At dumating na nga at inalok sa akin ang papel ng isang kerida sa pelikulang
Relasyon (1982). Muli ko na namang tinanong ang aking sarili: Uubra ba ito sa mga tao? Kasi ang bida ay isang kerida. Pero may laman naman ang istorya. Maraming kababaihan ang makaka-relate sa papel na iyon at si Ishmael Bernal pa ang direktor. Tinanggap ko ang pelikula. Kinilala, kumita ang pelikula, at pinalad akong manalo ng award sa iba’t ibang award-giving bodies. Dito ko nakuha ang aking grand slam. Pagkatapos ng Relasyon, kasunod agad na ginawa ko ang pelikulang
Broken Marriage (1983). Si Ishmael Bernal muli ang nagdirek nito. Inilalarawan ng pelikulang ito ang nangyayari sa mag-asawang hindi pareho ang prayoridad sa buhay. Dahil dito ay nagkahiwalay sila at naapektuhan ang kanilang mga anak. Pero mayroon akong napakalaking natutunan sa paggawa ko ng pelikulang ito. Noong nanalo ako ng mga awards – grand slam pa – sabi ko sa sarili ko: “Magaling na ako!” Pagkakuha ko ng isa sa apat na award, nag-unang shooting day na agad ang pelikulang Broken Marriage at drama agad ang unang eksena namin ni Christopher de Leon. Aba! Na-take 7 ako! Sabi sa akin ni Ishmael Bernal: “Bakit Vi, ano ba ang nangyayari sa iyo? Nagdadrama ka pero bakit may twinkle-twinkle ang mga mata mo?”.. Sabi ko: “Direk, umaarte naman po ako, ah.” Sinabihan ako ni direk ng “Anong arte yan!!!?” At ipinasok niya ako sa kubeta, at ako ay ikinulong niya dito. Pagkatapos ay pinag-jogging niya ako ng 10 minuto. Ang sabi niya sa akin: “Huwag kang mag-ilusyon! Hindi ibig sabihin na dahil tumanggap ka ng award, eh, magaling ka na! Mag-jogging ka diyan at tanggalin mo ang ilusyon na iyan sa iyong sarili!” Pagkatapos ng insidenteng ito, natanim sa isip ko na ang pag-aaral pala, paghahasa at pagdagdag ng kaalaman sa larangang aking pinili, ay dapat tuluy-tuloy. Hindi ibig sabihin na dahil may best actress award ka ay ikaw na ang pinakamagaling at hindi mo na kailangang mag-aral.
Maraming magagaling, kaya kailangan walang hinto ang pag-aaral. Ito ay patuloy kong ginagawa. Pagkatapos ng pelikulang Broken Marriage, naging madre naman ako sa pelikula ni Mike de Leon na
Sister Stella L. (1984). Kasabay nitong ipinalabas ang pelikula ni Ms. Sharon Cuneta. Hindi ko lang maalala ang titulo ng pelikulang ito ni Sharon, kung Bituing Walang Ningning (1984) o Bukas Luluhod ang mga Tala (1984), pero sabay ang unang araw ng palabas ng aming mga pelikula at talaga napaluhod ang ningning ng tala ko dahil nilangaw ang pelikula ko! Umiiyak akong nagpunta kay Mother Lily [Monteverde], pero ang sabi lang niya: “Ganyan talaga ang buhay.” Gayunpaman, ako ay labis na natutuwa – at aking ipinagmamalaki ito – sapagkat sa kabila ng mapait na nangyari sa pelikulang Sister Stella L., hanggang ngayon ay natatandaan pa ng mga tao ang pelikulang ito at itinuturing pang isa sa mga pinakamahuhusay na pelikula sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Napakatapang ng pelikulang Sister Stella L. Lakasan lang talaga ng loob. Marami talaga kaming itinaya sa pelikulang ito. Dalawampung taon na ang nakakaraan, ngunit sariwa pa sa akin ang mga eksena kong ginawa dito. Napaka-makatotohanan ang mga eksenang aming ginawa para sa mga manggagawa. Pero sa ngayon, makaraan ang 20 taon, parang iyong aming inilahad na mga problema noon ay siya pa ring mga problema natin ngayon. Parang walang nagbago. Sa pelikulang
Rubia Servios (1978) na ginawa namin ni Direktor Lino Brocka, biktima ng rape naman ako dito. Pero sa halip na manahimik at umasa na lang sa batas, ako ay naghiganti. Pinatay ko ang aking rapist na si Phillip Salvador. Natakot ako sa ending ng pelikula dahil baka kung ano na naman ang sasabihin ng mga makakapanood. Pero nakuha ko ang simpatiya ng mga manonood at tinangkilik ng mga tao ang aking pelikula. Marahil ay naging epektibo ang aking pag-arte dito at nagabayan ako ng husay ni Direk Lino Brocka.
May kasabihan kami sa industriya na sa pelikula, bawal na bawal patayin ang bida. Hindi raw nagugustuhan ng mga fans. Dahil dito, hindi raw kumikita ang pelikula. Pero may ginawa akong dalawang pelikulang talaga namang sumugal kami. Katulad ng pelikulang
Pahiram ng Isang Umaga (1989) na isinulat ni Jose Javier Reyes na ginawa namin ni Direk Ishmael Bernal noong 1989. Namatay ang karakter ko sa pelikulang ito pero kumita ito, taliwas sa tradisyunal na paniniwala ng ibang tao. Ngunit higit na mas mahalaga ang nilalaman ng pelikulang ito. Nadiskubre ng karakter ko sa pelikulang ito na mayroon siyang kanser at ilang buwan na lamang ay babawian na siya ng buhay. Pero naging matatag siya. Hinarap at inihanda niya ang kanyang sarili sa kahihinatnan niya at ng kanyang anak. Ipinakita nito ang katatagan at katapangan ng isang babae sa harap ng napakatinding krisis sa kanyang buhay. Gayundin ang pelikulang
Dahil Mahal Kita (The Dolzura Cortez Story) (1993) na hango sa tunay na buhay. Ginampanan ko ang papel ng isang biktima ng anti-immune deficiency syndrome (AIDS) na namatay dahil sa sakit na ito. Ito ang kauna-unahang pelikulang Pilipino na tumalakay sa sakit na AIDS. Pumayag akong gawin ang pelikula dahil sa pamamagitan nito, mailalarawan namin ang tunay na nangyayari sa isang biktima ng AIDS at ang nagiging kalagayan niya sa ating lipunan. Noong isinali namin sa Manila Film Festival ang pelikulang ito, tinangkilik ito ng mga manonood. Nabuksan pa namin ang mga mata ng tao tungkol sa sakit na AIDS. Sa pelikulang
Ipagpatawad Mo (1991), sinikap naman naming talakayin ang isa pang uri ng sakit na hindi naman nakamamatay pero kailangang harapin at unawain lalo na ng isang magulang na may anak na nagtataglay ng ganitong sakit: ang autism. Ito ang unang pelikulang tumalakay sa sakit na ito. Sumugal kami dito at pinanood naman ito ng napakarami nating mga kababayan.
Sa pelikulang
Anak (2000) naman, makatotohanan naming nailarawan ang mga problemang umuusbong sa pagitan ng anak at ng isang magulang, lalo na ng isang ina, na kailangang mangibang bansa para magtrabaho at masuportahan ang kanilang mga pangangailangan; ang hirap na dinaranas at tinitiis ng mga domestic helpers natin; ang kaawa-awang kalagayan ng mga anak na naiiwan nila; at ang katatagan ng isang babae bilang ina at asawa sa gitna ng kahirapan at mga pagsubok sa buhay. Isa rin ito sa mga pelikulang talagang tumatak sa akin. Hindi ko rin ito makakakalimutan. Ganito rin halos ang mga karakter na aking binigyang-buhay sa mga sumunod kong pelikula. Katulad ng
Bata-Bata…Paano Ka Ginawa (1998) ni Direk Chito Roño. Ginampanan ko ang papel ni Leah Bustamante na ayaw magpatali sa leeg at maging sunud-sunuran lang sa kinakasamang lalaki. Prangka. Matapang. May tiwala sa sarili. May sariling prinsipyo at pamantayan sa buhay bilang isang tao, bagama’t isa rin siyang ina. Samakatuwid, hindi siya ordinaryong babae. Sa
Dekada ’70 (2002), nagkasama kaming muli ni Direk Chito Roño. Ginampanan ko ang papel ng isang tahimik na ina na dahil sa kanyang personal na karanasan ay namulat sa hindi makatarungan, hindi makatao at mapang-aping elemento ng diktaduryang pamahalaan. Ipinakita rin dito ang pagkamulat ng isang tipikal na maybahay sa hindi pantay na pagtingin ng lipunan sa karapatan at kakayahan ng mga babae at ang pagbibigay-halaga niya sa kanyang sarili. Itong mga bagay na ito ang nagbunsod sa kanya na makiisa at makilahok sa mga pwersang nakikipaglaban para sa pampulitika at panlipunang pagbabago. Isa itong pelikula na akin ding ipinagmamalaki.
Gusto ko ring pasalamatan ang mga aktor na nakasama ko na nagbigay ng kanilang suporta. Ang mga naglapat ng musika, mga editor, mga production designers, at lahat ng mga nakasama namin na tinatawag nilang technical staff o mga tao sa likod ng kamera. Higit sa lahat, gusto kong pasalamatan ang lahat ng aking naging mga prodyuser, sapagkat sila ang nagtiwala sa inyong lingkod at nagbigay sa akin ng mga pelikulang tunay na maipagmamalaki. Kung may pagkakaisa talaga ang lahat, nagtatrabaho, nagtutulungan, may kakayahan at may direksyon ang kanilang pinaghihirapan, makakalikha talaga tayo ng isang pelikula na mataas ang kalidad at talaga namang kaya nating ipagmalaki. Bagama’t wala na sa ating tabi ngayon sina Direktor Lino Brocka at Ismael Bernal at hindi na aktibo si Mike De Leon, marami pa rin tayong mga direktor na nagtataglay ng galing o talino. Nariyan sina Direk Chito Roño, Olive Lamasan, Jeffrey Jeturian, Jerry Sineneng, at marami pang iba. Marami rin tayong mga manunulat at teknisyan na malikhain, mahuhusay, at propesyunal na nakakalikha ng mataas na uri ng pelikula. Kailangan lamang na mabigyan sila ng sapat at angkop na pagkakataon at suporta upang maipakita at lalong mapagyaman ang mga katangiang ito. Kaya sana, sa panahong ito, sumugal tayo sa kanilang talento. Kung naging matagumpay ang mga pelikulang nabanggit ko ngayon dito ay sapagkat naging mapalad ako at ako ay natulungan ng mga magagaling na direktor at manunulat tulad nina Pete Lacaba, Ricky Lee, Jose Javier Reyes, at Lualhati Bautista.
Subalit maraming problemang kinakaharap ngayon ang ating industriya. Marami sa mga kasamahan namin sa industriya ang wala nang hanapbuhay ngayon. Katunayan, marami akong mga kasamahang aktor at direktor na dumadalaw sa aking tanggapan sa Lipa para humingi ng tulong. Halos telebisyon na lamang ang bumubuhay sa kanila. Ngunit ang karamihan ay wala na talagang trabaho. Ayon sa Newsbreak, noong 1971 ay nakagawa ng 251 pelikula ang ating mga prodyuser. Subalit, ayon sa Film Academy of the Philippines, halos 164 pelikula lamang taun-taon ang nagawa mula 1996 hanggang 1999 at bumaba pa lalo ito sa mga 82 pelikula taun-taon noong 2000 hanggang 2003. Noong nakaraang taon, 55 pelikula na lang ang nagawa ng ating mga prodyuser. At hindi lahat ng mga pelikulang ito ay kumita. Maraming dahilan kung bakit paunti nang paunti ang gumagawa ng pelikula. Una, halos 50% ang ipinapatong na buwis sa ating pelikula. Pangalawa, hindi pa naipapalabas sa mga sinehan ang isang pelikula, napapanood na agad ito sa pamamagitan ng mga pirated CDs at DVDs. Ayon sa isang prodyuser ng pelikula, kikita pa sana ng mga karagdagang 20 hanggang 30 milyong piso ang kanilang pelikula kung wala sanang lumabas na pirated CDs ng pelikula bago ito ipalabas sa mga sinehan. Pangatlo, kung noong araw ay marami ang tumatangkilik sa ating mga pelikulang Pilipino, ngayon ay halos hindi na makayanang gumugol ng pera sa panonood ng sine. Mahal na ang tiket. Noong nag-umpisa ako ay 7.50 lang yata ang tiket. Ngayon ay 80 hanggang 150 pesos na. Ngayon, ang mga sine ay nakikita na lamang sa mga mall. Ang mga sinehan na sinasabi nating mga pang-masa kung saan sila ay kumportableng pumupunta katulad ng Odeon, Cinerama, Roxan, Galaxy, at iba pa ay sarado na yata lahat ngayon. Isa pa sa nagpadagdag ng hirap ay ang pagtaas ng pamasahe. Nagmahal na rin ang mga pagkain sa mall.
Pang-apat, masyadong matindi na ang kompetisyon ngayon. Mas tinatangkilik at kumikita ngayon ng malaki ang mga dayuhang pelikula. Katunayan, ayon kay Jose Javier Reyes, ang pelikulang Spiderman 2 (2004) ay kumita ng 27 milyong piso sa Metro Manila sa kauna-unahang araw pa lamang pagkatapos ng Metro Manila Film Festival. Anong pelikula natin noong nakaraang festival na ito ang kumita ng ganito kalaki sa isang araw? Noong film festival, hanggang walong pelikula ang ating ipinalabas at iyon ang araw ng mga lokal na pelikula. Pero walang kumita ng ganoon sa isang araw. Kumita lamang ng 5 o 10 milyong piso, parang napakasaya na. At dahil mas madali, mas mura, at mas malayo na malugi ang mag-import ng dayuhang pelikula kaysa gumawa ng pelikula dito sa ating bansa, may mga prodyuser na itinutuon na lamang ang kanilang pansin sa pag-import ng mga pelikula. At nangyayari na rin ito sa ating telebisyon. May mga prodyuser tayo na nagiimport na lamang ng mga telenovela mula sa Korea, Taiwan, at Mexico. Mas mura ito kaysa magprodyus ng lokal na telenovela. Pero sa dakong huli, ano ang mapait na nangyayari? Marami sa mga kababayan natin ang nawawalan ng trabaho, mula direktor, aktor, manunulat, teknisyan, hanggang sa mga maliliit na manggagawa katulad ng mga ekstra, karpintero, pintor, at mga mananahi na kailangan sa production design. At sino ang binibigyan natin ng trabaho? Ang kumikita po ngayon ay mga taga-ibang bansa pa. Ako’y labis na nalulungkot sa katayuan ngayon ng ating industriya ng pelikula. Ngunit sa kabila nito, ako’y naniniwala na kaya pa nating sagipin ang industriya. Sa palagay ko, dapat pagaralan ng ating pamahalaan kung paano mababawasan ang buwis na ipinapataw dito. Napakabigat nito. At napakataas na at pataas pa nang pataas ang production cost ng paggawa ng pelikula. Kaya nagiging matamlay ang ating mga prodyuser na gumawa ng pelikula, katulad ng nangyayari. Pito-pito na lang daw. Pero hindi sila masisi dahil negosyo din ang paggawa ng pelikula.
Kailangan ding pag-aralan ng ating pamahalaan ang paglalagay ng regulasyon sa pagpasok ng mga dayuhang pelikula. Hindi naman pipigilan ang pagpasok nila. Ang sinasabi ko lang ay bigyan namang prayoridad, pagmalasakitan naman natin ang sariling produkto. Nais ko ring idagdag na kailangan din naman pagbutihin ang mga istorya sa paggawa ng pelikula. Hindi iyong nangongopya na lamang. Kailangan namang de-kalidad. May tatak Pinoy. Ngunit sa kabila ng lahat, mayroon pa ring gumagawa sa atin ng pelikula na mataas ang kalidad, maipagmamalaki, nakikipagsabayan at kinikilala sa ibang bansa. Ang ibig sabihin ay may pag-asa, may ibubuga. Pero iilan na lang sila. Ako naman ay handang ibaba ang aking talent fee. Ang kondisyon ko lang naman ay gusto kong makitang may laman ang iskrip. Katunayan, may nag-aalok sa akin na gumawa ng pelikula para sa isang independent film producer. At tinatanong ako kung magkano ang talent fee ko. Ang sabi ko sa kanila ay ipakita muna nila ang iskrip sa akin. Madaling pag-usapan ang talent fee. May mga lumalapit sa amin ni Senator [Ralph] Recto upang humingi ng tulong at suporta. Si Senator Recto ay isa sa mga awtor ng pagtatayo ng Films Rating Board na nagbibigay ng insentibo sa mga pelikulang mataas ang kalidad Sa amin sa Lipa, nagpasa kami ng isang batas na nagbabawas ng amusement tax mula 30% to 15% sa lahat ng pelikulang Pilipino na ipapalabas sa mga sinehan sa aming bayan. Ang buhay o ikabubuhay ng pelikulang Pilipino ay nasa ating mga kamay mismo. Nasa ating pamahalaan, sa ating mga prodyuser ng pelikula, sa atin mismong mga manonood, sa atin mismong naririto ngayon. Tulungan nating makabangon ang industriya ng pelikula. Lahat – kasama ako – ay kailangan talagang makiisa! Sa pelikula nagkakatagpo-tagpo ang iba’t ibang uri ng sining – ang panitikan, performing arts, musika, potograpiya, at iba pa. Kaya napakabisang instrumento ito sa pakikipagtalastasan at pakikipagugnayan sa mga tao.
Hindi nakapagtataka kung bakit napakalakas ng impluwensya ng sining na ito sa ating mga kababayan. Kadalasan, dito nila idinidikit ang mga desisyon nila sa buhay. Kaya sa pamamagitan sa pelikula, mas epektibo nating napapa-unlad, napapalawak at nabubuksan ang kaisipan ng mga manonood natin tungkol sa iba’t ibang bahagi ng ating buhay at sa lipunang ating ginagalawan na dapat ay nasasalamin dito. At dahil dito, mas napabubuti nila ang pagdedesisyon sa buhay, ang pakikitungo sa kapwa, ang partisipasyon sa paglikha ng isang lipunang maunlad, malaya at matatag at may malasakit sa kapwa. Kaya dapat nating alagaan at ingatan ang ating pelikula. Marami at mabigat ang problema ng ating industriya ng pelikula. Marami at mabigat din ang mga problemang kinakaharap ng ating mga mamamayan at ating pamahalaan, na ang iba ay masasalamin sa ating mga pelikula. Kailangang pag-isipan natin ang mga ito. Kumilos tayo batay sa ikabubuti ng higit na nakararami habang may panahon pa. Naalala ko po tuloy ang sinabi ng karakter ko sa pelikulang Sister Stella L. Bilang pangwakas, uulitin ko ito sa inyo dahil gusto kong ipaalam sa inyo na ngayon na ako’y naging isang punonglungsod at naharap na sa realidad ng buhay, ngayon ay mas naiintindihan ko na ang mga salitang ito: Marami pa akong hindi alam at dapat malaman tungkol sa mga kasalukuyang kalagayan ng mga sistema ng lipunan. Kailangan ko pang patuloy na mag-aral at matuto. Pero ang mahalaga, ako ay narito na ngayon, hindi na lamang nanonood, kundi nakikiisa sa pagdurusa ng mga hindi nakakarinig, tumutulong sa abot ng aking makakaya. Kaya kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa? -
Plaridel Magazine, February 2006
|
2005 Gawad Plaridel |
#GawadPlaridel2005, #VilmaSantos, #GovernorVi, #PelikulangPilipino