Tinaguriang King of Philippine Movies si Fernando Poe, Jr. samantalang si Susan Roces ang Queen of Philippine Movies. Si Amalia Fuentes ang Ms. Number One, si Juancho Gutierrez ang Mr. Number One. Si Dolphy ang Comedy King, si Ai Ai de las Alas naman ang Comedy Concert Queen. Ang dating mag-asawang sina Martin Nievera at Pops Fernandez ang tinaguriang Concert King and Queen. Si Regine Velasquez ang Asia's Songbird, si Lani Misalucha ang Asia's Nightingale at si Pilita Corrales ang Asia's Queen of Songs. Si Boy Abunda ang King of Talk samantalang si Kris Aquino ang Queen of All Media. Si Inday Badiday ang Queen of Intrigues, si Ike Lozada ang Dambuhalang DJ at si German Moreno ang Master Showman. Tinawag na Mr. Pure Energy si Gary Valenciano, si Sarah Geronimo ang Pop Princess samantalang si Maricel Soriano ang Diamond Star. Si Sharon Cuneta ang Megastar at si Nora Aunor ang Superstar. Si Ms. Vilma Santos ay binigyan din ng titulong Star for All Seasons subali't marami pa ding ibang bansag sa kanya. Nasa buwan na tayo ng Abril kaya't sa ating ALAM NYO BA? Part 82 ay isa-isahin natin ang mga naging titulo o bansag kay Ms. Vilma Santos.
The Hall of Fame Queen - Limang best actress awards ang nakamit ni Vi kung kaya't nabigyan siya ng FAMAS ng Hall of Fame. Naging FAMAS best actress si Vi sa mga pelikula nina Emmanuel H. Borlaza (Dama de Noche -1972), Elwood Perez (Pakawalan Mo Ako -1981 at Ibulong Mo Sa Diyos - 1988), Ishmael Bernal (Relasyon -1982) at Maryo J. de los Reyes (Tagos Ng Dugo -1987). Si Vi ang pangalawang best actress Hall of Famer ng FAMAS.....si Charito Solis ang una. Hindi lang FAMAS Hall of Famer si Vi dahil siya din ang unang recipient ng FAMAS Circle of Excellence para sa mga pelikulang Sinungaling Mong Puso (1992) at Dahil Mahal Kita: The Dolzura Cortez Story (1993). Dahil sa dami ng kanyang box-office queen award kung kaya't binigyan din si Vi ng Hall of Fame Box-Office Queen ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation noong 1986. Nakatanggap din ang kanyang Vilma! show ng Hall of Fame in Musical Variety Show mula sa Catholic Mass Media Awards noong 1990. Samantala, binigyan din si Vi ng Outstanding Mayor Hall of Fame ng Regional Sandugo noong taong 2005.
The Mayor - Sa last shooting day ng Bata, Bata Paano Ka Ginawa? kinausap niya ang mga Vilmanians na present sa nasabing shooting kung gusto ba nila na kumandidato siyang mayor ng Lipa City dahil marami ang may gustong kumandidato siya kabilang na ang mga pari, madre at iba't ibang sektor ng nasabing lungsod. Sinabi niya na tutuloy siya sa pagkandidato kung magbibigay ng "sign" ang nasa Itaas. Hindi naman niya sinabi kung anong "sign" 'yun. Sa last day of filing ng candidacy ay ibinigay ng nasa Itaas ang hinihiling niyang "sign." Tumakbo siyang punung-lungsod ng Lipa at tinalo niya ng "landslide" ang kanyang kalaban na ninong niya sa kasal na si Mayor Ruben Umali. Nag-aral siya ng public administration sa Unibersidad ng Pilipinas para sa paghahanda sa kanyang pag-upo bilang punung-lungsod. Bilang first woman city mayor of Lipa City, napaunlad niya ang ekonomiya at nagkaroon ng mga infrastructure development ang nasabing lungsod. Upang hindi malulong sa masasamang bisyo ang mga kabataan ay nagkaroon sila ng VSR (Voices, Songs & Rhytms), isang timpalak sa awitan. Sa pangalawang termino niya bilang punung-lungsod ng Lipa ay tinalo naman niya ng landslide din ang anak ni Mayor Umali na si King Umali hanggang sa matapos niya ang tatlong termino noong 2007.
Ang ilan sa mga awards ni Mayor Vi bilang punung-lungsod ng Lipa ay ang mga sumusunod:
- 2000 - Best Overall Local Council Performance (Boy Scout of the Philippines)
- 2000 - Outstanding Mayor in Region IV (Asosasyon ng mga Komentarista at Anaunser sa Pilipinas)
- 2000 - Outstanding City Mayor (Civil Service Commission)
- 2001 - Regional Sandugo Outstanding Local Executive (Department of Health)
- 2002 - Presidential Award as the cleanest & greenest local government unit in Region IV
- 2002 - Ten Outstanding Achievers
- 2005 - Gawad Suri Award for Exemplary Public Servant
- 2005 - Honorary Key to Jersey City (New Jersey, USA)
- 2005 - Bright Smiles, Bright Future Award, Mga Munting Ngiti (Intl. Association of Pediatric Dentistry at Sydney, Australia)
- 2005 - Honorary Member of the UP College of Public Health Alumni Society & keynote speaker to their 26th annual convention in Manila
- 2005 - Huwarang Pilipino Award (Parangal sa Pamilyang Pilipino Organization & office of the President)
- 2005 - Regional Sandugo Outstanding Mayor Hall of Fame
- 2005 - Doctor of Humanities, Honoris Causa (Lipa City Public College)
- 2006 - Unlad Pilipinas Award (Mga Munting Ngiti)
- 2006 - Positive Role Model (Survey among students)
- 2006 - Oustanding City Mayor Award (DSWD)
- 2006 - Gawad Munting Ngiti Awardee & keynote speaker to the 7th Annual Conference of National Association of Dental Trade
- 2007 - People of the Year (People Asia Magazine)