Tinaguriang King of Philippine Movies si Fernando Poe, Jr. samantalang si Susan Roces ang Queen of Philippine Movies. Si Amalia Fuentes ang Ms. Number One, si Juancho Gutierrez ang Mr. Number One. Si Dolphy ang Comedy King, si Ai Ai de las Alas naman ang Comedy Concert Queen. Ang dating mag-asawang sina Martin Nievera at Pops Fernandez ang tinaguriang Concert King and Queen. Si Regine Velasquez ang Asia's Songbird, si Lani Misalucha ang Asia's Nightingale at si Pilita Corrales ang Asia's Queen of Songs. Si Boy Abunda ang King of Talk samantalang si Kris Aquino ang Queen of All Media. Si Inday Badiday ang Queen of Intrigues, si Ike Lozada ang Dambuhalang DJ at si German Moreno ang Master Showman. Tinawag na Mr. Pure Energy si Gary Valenciano, si Sarah Geronimo ang Pop Princess samantalang si Maricel Soriano ang Diamond Star. Si Sharon Cuneta ang Megastar at si Nora Aunor ang Superstar. Si Ms. Vilma Santos ay binigyan din ng titulong Star for All Seasons subali't marami pa ding ibang bansag sa kanya. Nasa buwan na tayo ng Abril kaya't sa ating ALAM NYO BA? Part 82 ay isa-isahin natin ang mga naging titulo o bansag kay Ms. Vilma Santos.
The Television Queen - Nagteleserye si Vi via Larawan ng Pag-ibig na napanood sa Channel 3 noong 1963. Ang teleserye ay isinapelikula ng Vitri Films at tinampukan din nina Eva Darren, Willie Sotelo, Ben David at Rosita Noble na sinulat, iniskripan at dinerek ni Jose Miranda Cruz. Ipinalabas ang nasabing pelikula noong Hulyo 19, 1964. Nagdrama anthology din si Vi sa pamamagitan ng Oh My Love! at Dulambuhay Ni Rosa Vilma. The Sensations sa ABS CBN 2 ang unang musical variety show ni Vi kasama sina Edgar Mortiz, Perla Adea, Romy Mallari, Baby de Jesus, Tony Santos Jr., Ike Lozada, Rhodora Silva, Darius Razon at Angge. Katulad ng Larawan Ng Pag-ibig, isinapelikula din ito ng Tagalog Ilang-Ilang Productions na ipinalabas noong Abril 10, 1971 sa panulat nina Rose Reynaldo at Tony Dantes, iskrip at direksiyon ni Tony Santos Sr. Kasama din sa pelikula sina Vic Pacia, Ben David at Beth Manlongat. Nang ideklara ang martial law, napilitang magsara ang ABS CBN 2, kung kaya't lumipat ang grupo ng The Sensations sa ibang tv station at ang naging titulo ng programa nila ay Santos, Mortiz & Associates. Hindi rin nagtagal ang Santos, Mortiz & Associates at nagsolo na lang sina Vi at Bobot. Ayan Eh! ang sumunod na programa ni Vi. Sumunod na programa ni Vi ay isang taped musical variety show na may pamagat na Vilma Santos Very Special kung saan si Mitos Villareal ang kanyang direktor.
Huminto sa telebisyon si Vi nang mapangasawa si Edu Manzano subali't nang madiskubre niya na baon pala siya sa utang dahil sa mismanagement ng kanyang VS Films kung kaya't napilitan siyang tumanggap ng tv show via Vilma In Person sa BBC 2 kung saan si Bert de Leon ang kanyang naging direktor. Nang magkaroon ng Edsa 1, lumipat ang VIP sa GMA 7 via Vilma! Ang initial telecast ng Vilma! ay ginanap sa Araneta Coliseum kung saan punung-puno ng tao ang loob ng coliseum. Hindi naman kataka-taka na maging number one ito sa rating. Since then, wala ng ibang musical variety show na umabante sa Vilma! Talbog silang lahat at tinawag pang Central Bank ng GMA 7 ang Vilma Show dahil sa dami ng commercial loads nito na sila na mismo ang tumatanggi sa ibang nais magpasok ng kanilang mga commercial. Hindi lang sa commercial nangunguna ang Vilma! dahil kahit sa concept, guests, awards at production numbers eh talagang number one ang nasabing show. Higit sa lahat, si Vi ang highest paid tv star nang mga panahong 'yun. Taong 1995 nang magpaalam si Vi sa Vilma! show dahil gusto niyang magkaanak kay Sen. Ralph Recto subali't matapos maipanganak si Ryan Christian ay nagbalik telebisyon si Vi sa pamamagitan ng Vilma Tonite!. Isang season lang ang itinagal ng nasabing show. Kabilang naman sa ginawang telemovie ni Vi ay ang Lamat Sa Kristal, Katuparan, Once There Was A Love, Correctional, Bugso at Maalaala Mo Kaya: Regalo episode. Tele-Vi ang pamagat ng show sa Channel 4 kung saan ay linggu-linggong inilalabas ang mga pelikula ni Vi. Si Mario Hernando ang nagre-review ng mga nasabing pelikula. Si Vi ay naging host ng Star Awards for Movies, Star Awards for TV at Gawad Urian Award.
Speaking of TV awards, ang mga awards na nakamit ni Vi at ng Vilma! ay ang mga sumusunod:
- 1974 - Most Effective TV Actress (EMEE Award)
- 1987 - Best Musical Variety Show Host (Star Awards for TV)
- 1987 - Best Musical Variety Show (CMMA)
- 1988 - Best Musical Variety Show (Star Awards for TV, CMMA)
- 1989 - Best Musical Variety Show (Star Awards for TV, CMMA)
- 1990 - Best Musical Variety Show (Star Awards for TV)
- 1990 - Hall of Fame in Musical Variety Show (CMMA)
- 1990 - New York International Awards for TV (Finalist)
- 1991 - Best Musical Variety Show (Star Awards for TV, Golden Dove)
- 1992 - Best Musical Variety Show (Star Awards for TV)
- 1994 - Best Musical Variety Show (Star Awards for TV)
- 1998 - Ading Fernando Lifetime Achievement Award
- 2005 - Best Single Performance By An Actress - MMK: Regalo episode (Star Awards for TV)