Wednesday, January 2, 2013

1981 FAMAS Best Actress


Bumandila na anaman ang JE Productions sa nakaraang FAMAS awards night nang makopo nila ang tatlong pinakamalalaking tropeo ng karangalan kabilang na ang Best Picture para sa Kumander Alibasbas, Best Actor para kay Joseph Estrada at sa Best Director para kay Augusto “Totoy” Buenaventura sa sermeonyang ginanap sa Metropolitan Theatre. Ito ang ikalimang karangalan natamo ni Erap sa iisang kategorya na nag-akyat sa kanya sa tinatawag na Hall of Fame, at siya rin ang kauna-unahang aktor na hall of famer sa best actor category. Natamo ni Erap ang unang best actor award noong 1962, Patria Adorada at ngayong 1981, Kumander Alibasbas. Ito namang Kumander Alibasbas ang ikatlong best director award na natamo ni Totoy Buenaventura. Una ay ang Kill the Pushers noong 1971 at Bakya Mo Neneng noong 1978. Sa best screenplay award ay hall of famer na si Buenaventura. Sobra pa nga sa quota ang natamong karangalan ni Buenaventura sa dapat na maging hall of famer. Anim na best screenplay awards na ang kanyang natatamo sa FAMAS: Kalibre .45 noong 1956, Psycho Sex Killer, 1968, Patria Adorada, 1969, Tatay na si Erap, 1970, Kill the Pushers, 1971, Bakya Mo Neneng, 1978.

Ang Kumander Alibasbas din ang isa sa mga box-office hit nang nakaraang taon. Kasaysayan ng isang rebel leader sa gitna ng tinatawag na labor unrest sa Central Luzon before Martial Law, ang Kumander Alibasbas ay naging kontroberyal sapagkat tumalakay rin ito sa ilang political problems ng bansa. Tinatayang may maselang tema, subalit mahusay na nailarawan nang walang “nasagasaan.” Umiiral ang cinematic effects ng pelikula na siyang nakatawag ng pansin sa mga humusga. Ang aktress na si Vilma Santos naman ang nagkamit ng Best Actress award dahilan sa makatotohanan niyang pagganap sa pelikula ng MVP na Pakawalan Mo Ako na tumatalakay sa tatsulok na pag-ibig na kung saan ay nakapareha niya sina Christopher de Leon at Anthony Castelo sa direksiyon ni Elwood Perez. Nakamit ni Chanda Romero ang Best Supporting Actress award sa pelikulang Karma na siya rin pinagwagihan sa best supporting actor award ni Tommy Abuel. Tatlong award rin ang natamo ng FPJ para sa pelikulang Ang Pagbabalik ng Panday: Best Art Direction, Rolando Sacristia; Best Sound para kay Cesar Lucas at Best Cinematography para kay Vir Reyes. Tuwang tuwa ang mga fans ng bulilit na si Sheryl Cruz na hinirang bilang Best Child Actress para sa Basang Sisiw at ang Best Child Actor ay natamo ng isang baguhang si Mark Versoza para sa pelikulang I Confess. Si Sheryl ay anak ng magasawang artistang sina Ricky Belmonte at Rosemarie Sonora. Sabi nga ni Inday Badiday, naunahan pa ni Sheryl na magka-award sina Ricky at Rosemarie. Dalawang award naman ang natamo ng pelikulang Init o Lamig; Best Editing for Edgardo Vinarao at Best Story for Baby Nebrida. Bukod kay Vilma Santos, ang Pakawalan Mo Ako ay nagkamit din ng dalawa pang award: Best Theme Song for Louie Ocampo at Jimmy Santiago at Best Music for Lutgardo Labad.

Nakamit ni Mother Lily Monteverde ang special award na Cirio Santiago Memorial Award; kay German Moreno ang Jose R. Perez Memorial Award; at Marichu Vera Perez ang Gregorio Valdez Memorial Award. Stage emcees sina Bert “Tawa” Marcelo at Coney Reyes-Mumar at achor woman naman si Helen Vela. Naging performer sina Rico J. Puno, Sharon Cuneta, Ivy Violan, Something Special, Lirio Vital, at Obusan Dance Troupe. Matabang mataba marahil ang puso ng presidente ng FAMAS na si Ros H. Olgado, sampu ng mga opisyales at kasapi ng akademiya dahil sa talumpati ng guest of honor na si Ms. Imee Marcos, ang direktor general ng Experimental Cinema of the Philippines. Lalo na nang ipahayag niya ang pagnanasang makapagpatuloy pa ang FAMAS sa pagkakaloob ng prestihiyosong awards ng tulad nang ipinamahagi nang gabing iyon. Sinabi pa ni Imee na kung nagkakaroon man ng krisis sa FAMAs, iyon ay bahagi ng pagunlad. Aniya, parang puno ng kawayan ang FAMAS na maaaring humahapay kapag may malakas na unos subalit makaraan ang unos na ‘yon ay muling titindig na tila aabutin pati ang langit. Ayon sa mga observer, ang nakaraang awards night ay lalong nagpatunay na ang FAMAS ay matibay pa rin at may prestihiyo at ito pa lamang ang kaisa-isang award giving body na nirerespeto at pinagsisikapang makamit ng mga taga-industriya. Sa lahat ng mga awardee, congratulations and mabuhay kayong lahat! - Mar D’Guzman Cruz, READ MORE


Translate

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...