Friday, November 15, 2013

Vilma Santos Artista

Si Vilma Santos ay ipinanganak noong 3 Nobyembre 1953 sa Maynila. Nagsimula si Santos na umarte sa edad nuwebe, pagkatapos mapagwagian ang papel bilang bida sa pelikulang drama na Trudis Liit (1963). Agad siyang nakatanggap ng unang tropeo para sa pinakamahusay na batang aktor mula sa FAMAS Awards para sa nasabing pelikula.

Si Santos ay inihanda upang maging pangunahing babaeng aktor noong kaniyang kabataan, kung kaya't siya ay lalong sumikat. Pinalakas pa iyon ng tambalan nila ni Edgar Mortiz at ng katunggaling babaeng aktor na si Nora Aunor. Sa tugatog ng kaniyang karera sa siyobis, panay patok sa takilya ang kaniyang mga tinampukang pelikula, tulad ng mga halaw sa komiks na Darna at Dyesebel at ng mga dramatiko at mapusok na pelikula, tulad ng Burlesk Queen at Sinasamba Kita

Ikinasal si Santos kay Edu Manzano, na beteranong aktor at nagbunga ng anak na lalaking pinangalanang Luis Philip Manzano. Ang pagsilang ng anak ang itinuring ni Santos na dahilan upang lalong suwertehin siya sa kaniyang karera sa siyobis, kaya tinawag niya ang anak na "Lucky". Pagkalipas ng ilang taon ay hindi naging maganda ang pagsasama nila ni Manzano at humantong iyon sa diborsiyo. Sa kalagitnaan ng dekada 90 ay muli siyang nagpakasal sa mayamang politiko na si Ralph Recto. Nabiyayaan sila ng anak na lalaki at pinangalanan nila itong Ryan Christian.

Si Santos ang pinakamatagal na nagreyna sa takilya, at sinubaybayan maraming tao. Kinilala siya bilang "Star for All Seasons" at "Queenstar". Nagkaroon din siya ng sariling palabas sa telebisyon tulad ng The Sensations, VIP at Vilma. Gumanap ng sari-saring papel si Santos, at ang magagaling niyang pelikula ay humahamon sa kumbensiyonal na pagtingin sa babae. Tumitili man o humihibik, si Vilma ang aktor na nagpauso ng pambihirang pagsusumamo, pagsasakit, panunumbat, at paghihimagsik na ikadudurog ng puso ng madla. Siya ngayon ang may hawak ng rekord bilang natatanging babaeng aktor na may pinakamaraming parangal at pagkilala mula sa mga prestihiyosong lupon na nagagawad, sa Filipinas man o sa ibang bansa. (Telebisyon.net).

RELATED READING:

Translate

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...