Magmula pa nang magsimula si Vilma Santos sa pag-arte, sa munting edad na siyam, ipinakita na niya na nasa puso niya ang pag-ganap. Sa "Trudis Liit" makikita ang kusang pag-patak ng luha at tamang pagbibigay ng emosyon. Ito ay likhang talento na hindi makikita sa ibang mga batang artista ngunit hindi rin ito sapat upang sa paglaki mo’y manatili ang talento nakagisnan mo nang kabataan. Mangilan-ngilan lamang ang namulat sa katotohanang hindi hanggang sa pagtanda ay mananatili kang magaling sa pagganap. Hindi nga ba’t hindi naging isang mahusay na artista si Nino Muhlach nang itoy maging isang binata na. Si Snooky Serna na kailangan ng mahusay na direktor upang mapalabas ang tunay na tinatagong galing. Nasaan na si Connie Angeles, si liezl (na anak ni Amalia), si Bentot Jr at marami pang hindi malilimutang mga batang aktor na nagpakitang gilas. Ang katotohanan ay kailangang patuloy ang pag-aaral sa pag-ganap. Ang katotohanan ay ang paghahanda sa pagbabago ng imahen at pagtanggap ng mga naiibang papel. Upang patuloy ang paghasa ng talentong kinagisnan mula pa nuong kabataan. Iyan ang sikreto ni Vilma Santos. Mula pa nang Trudis Liit, umikot ang mundo ni Rosa Vilma. Sinagupa niya ang labanan sa pag-arte ng buong tapang. Ito ang tunay na marka ng mahusay na aktor. Walang papel na maliit, walang papel na hindi puedeng kakaiba ang pagganap. Ilang pelikula ang nagmarka sa lipunan. Nagbigay ito ng kahulugan sa mga pakay ng ordinaryong buhay ng mga pilipino.
Pumaimbulog ang kakaibang pagarte niya sa Dama De Noche. Maalala ng lahat ang pagsusuot niya ng "two-piece bikini" sa Nakakahiya ngunit ang pagganap niya bilang "spoiled brat" na umiibig sa mas matandang lalaki ang dapat bigyan ng pansin. Matapang na unang pag-iiba ng imahen. Senyales ng Masagana't markadong mga papel na darating. Bago pa man nauso ang mga pelikulang "horror-scream fest" ay naging tatak na ito ni Rosa Vilma. Mula sa mga patok sa takilya na "takbo Vilma Dali", "Hatinggabi na Vilma" at "Anak ng Aswang." Sinundan pa ito ng mga pelikulang pang-aksiyon at pantasya na nagbigay ng kayamanan sa Tagalog Ilang Ilang Production. Katulad ng "Wonder Vi", "Dyesebel", "Phantom Lady," "Kampanerang Kuba" at ang pinakamatagumpay ng Darna na hindi na mapapantayan pa, "Lipad Darna Lipad". Hindi maitatago ang tagumpay ng mga pelikula niya magmula pa ng tumigil na ang mga pelikulang "musikal". Ito ang naging hugyat ng pagbaba ng kasikatan ng mga kakontemporaryo niya. Nang dumating ang huling parte ng dekad 70 kung saan ang mga pelikulang musikal ay hindi na kumikita, ang mga pelikulang komersiyal na tinatampukan ni Vilma Santos ang nanguna at masasabing naging sulosyon sa papahinang kita ng mga pelikula nuon. Kasabay pa nito ang pagrami ng mga pelikulang banyaga.
Ang pagdating na dekada 80 ay naging isang patunay na ang sinasabing "Superstar" na kalaban ay hindi na kapantay ng sinasabi nilang "poor second." Mabibilang lamang sa kamay ang mga pelikualang ginawa niya na hindi naging matagumpay sa takilya. Magmula ng huling parte ng dekada 70 at sa pagpapatuloy ng mga pelikula niya sa dekada 80, ang mga markadong papel na ginampanan ni Vilma ay naging isang pagpapatunay ng kanyang patuloy na paghuhudyat ng kanyang galing sa pag-arte. Ng patuloy niyang paghuhubog sa kanyang sining. Ng patuloy na pag-aaral hanggang sa marating niya ang halos perpektong pagganap. Hanggang sa marating niya ang malalim na kahulugan ng bawat papel. Si Chato, Rubia, Marilou...Baby Tsina, Fina, Aida...si Stella, Dolzura, Leah, Amanda...hanggang kay Josie at kay Lilian...makikita mo ang iba’t ibang lalim ng pagganap na kung ang isang ordinaryong artista lamang ang gaganap ay hindi makikita ang epektibo, hindi mo makikita ang tunay na katauhan. Ang mga pelikulang ginampanan niya, makikita mo ang mga katauhan, hindi mo makikita si Vilma Santos kundi ang mga babae kanyang buong tapang na isinalarawan sa puting telon. Kapag pagarte ang pag-uusapan, ano ba ang kaibahan ng isang Vilma Santos. Ang sagot: siya ay isang orihinal. Hindi siya isang kahawig lamang ng ibang artista. Makikita sa kanyang buongbugong pagganap. Magmula sa kanyang likuran, tuktok, paa, kamay, mukha, luha at mga salita, ang makikitang gumaganap ay ang kanyang buong katauhan. Sa ilang dekadang ibinigay niya sa ating mga tagasubaybay, eto ang ilang markang Vilma Santos na hindi makikita sa iba o kung Makita man ay pilit na tinutularan.
Kamay sa mukha habang umiiyak - Ilang beses nang pinagbawalan ng mga direktor ang habituwal na kamay ni Vilma na madalas makita sa kanyang mukha habang umiiyak. Magmula kay Lino Brokha, pilit nilang inaalis ang markang Vilma Santos na ito. Pero ang katotohanan, kapag umiiyak ang isang ordinaryong tao, mapapansin na ang ating mga kamay ay laging napupun a sa ating mukha upang magkaroon ng kaunting kontrol sa anumang pinagdadalamhati natin. Natural na habitwal ng isang ordinaryong tao. Ito marahil ay pagpapatunay lamang na kuhang kuha ni Vilma ang tunay na gawi at kilos ng isang ordinaryong tao na umiiyak. Magmula kay Julia Roberts hanggang kay Natali Portman ang markang kamay ni Vilma sa pagiyak ay makikita sa mga banyagang pelikula. Sa ating lokal na pelikula, magmula kay Sharon Cuneta hanggang kay Claudine Barreto o Judy Ann Santos, makikita na mayroong kahawig sa kanilang pagiyak sa mga pelikula kung saan ang kanilang mga kamay ay makikitang humahaplos sa kanilang mga mukha?t mata habang dumadaloy ang mga luha. Maling mali ang mga kritiko nuong panahon nila Broka at Bernal kung ganoon. Ang markang kamay sa mukha habang umiiyak ni Vilma ay hindi distraksyon sa pagganap kundi isang patunay ng tunay na gawi ng isang ordinaryong tao habang umiiyak. Makikita sa pagarte ni Nora Aunor sa "Ina Ka Ng Anak Mo" kung saan nakapokos ang kamera sa kanyang mukha (sa kanyang mga mata) habang nag-e-emote nang mahuli nito ang pagtataksil ng kanyang asawa at ng kanyang ina. Makikitang umiiyak ito sa harap ng kamera. Ito ay isang arte na hindi makatotohanan. Kung nangyari ito sa tutoong buhay marahil ang mga sandaling pageemote ay makikitang sinasabunutan nito ang inang walang kahihiyan at malaking away ang magaganap. Sa halip iniksployt ni Brokha ang mga mata ni Nora dahil nga ang usapan nuon ay magaling ang mata ni Nora, yun lang at tama na. Ang naging bunga naman nitoy hindi makatototohan at hindi hango sa tunay na buhay na paglalarawan ng isang babaeng pinagtaksilan. Kung pag-aaralan nating buong buo, makikitang ang mga kamay sa mukha habang umiiyak ni Vilma ay mas epektibong paglalarawan ng tunay ng nagdadalamhating ordinaryong tao kaysa sa ipinopokus na mga mata ni Nora. Ito marahil ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay makikita sa mga pelikula, lokal o banyaga ang markang Vilma na ito at wala kang makikitang pelikulang lokal man o banyaga na nagpopokus lamang sa mga mata habang umiiyak dahil itoy hindi epektibong at hindi makatotohanang pagganap.
Mga kilo-kilometrong linya at tono - Kung hindi man magaling kumanta si Vilma, binawi niya ito sa kanyang orihinal na talento sa pagbibitaw ng kilo-kilometong linya at sa iba’t ibang tono ng pagbibitaw at pagbibigkas ng mag linyang ito. Bago pa man nauso ang mahahabang linya sa mga pelikulang The English Patient at Magkapatid, pina-uso na ito ni Vilma. Magmula sa eksena ni Chato sa Burlesk Queen kung saan kinakausap niya ang patay niyang tatay sa ospital hanggang sa konprontasyon ni Josie sa suwail na anak na ginampanan ni Claudine Baretto, milya milyang linya ang binitawan ni Vilma. Kung pagdudugtungin lahat ng mga linya niya parang lubid, marahil aabot ito sa buong mundo papunta at pabalik. At hindi lamang basta bastang linya kundi mga linyang tumatanim sa iyong utak. Magmula sa linyang "Ding ang Bato Dali!" hanggang sa "para kang karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain"...at sa "Katarungan para kay Ka Dencio"...at sa "kung hindi mo kayang respetohin ako bilang isang ina...respetohin mo ako bilang isang tao!" Maalala mo itong mga linyang ito kapag narinig mo ang pangalang Vilma Santos. At hindi mo ito basta basta makakalimutan dahil sa bawat salita nito’y may katumbas na kakaibang tunog, diin at lalim ng kahulugan. Hindi nga ba’t hindi natin malilimutan ang halos pabulong niyang mga linya sa may tabing dagat sa "Pahiram ng Isang Umaga" kung saan binitawan niya ang mga linyang..."ang sarap mabuhay..." o ang matalim na pagtatanong niya sa ospital sa Dulzura ng mga linyang "...Bakit diyos ka ba? Sino Ka ba? Ikaw ba ang nagbigay buhay sa akin? Sino ka ba?!" Kung kaya ang bawat magsasabi ng mga linyang ito, ay pumapailalim sa kakaibang karakter. Kung ibang artista lamang ang bumigkas o nagbitiw ng mga linyang ito, marahil ay hindi magiging epektibo at hindi matatanim sa mga ordinaryong tao. Hindi nga ba’t ilang dekada na ang dumaan ngunit nanatili pa rin sa ating mga alaala ang mga linyang binitiwan ni Vilma sa mga pelikulang Sister Stella L, Pahiram ng Isang Umaga, Gaano Kadalas Ang Minsan, Sinasamba Kita, Muling Buksan Ang Puso, Anak at marami pang iba na kung ililista natin ay kulang pa ang isang pahina? Tatak Vilma Santos, ang pagbibitaw ng kilo-kilometrong linya na may lalim at galling, may puso at tapang.
Mataray na Karakter - Nag-umpisa marahil sa pag-iiba ng karakter bilang hindi laging martir sa pagganap si Carmen Rosales ngunit ang nagpauso nito sa mga hindi makakalimutang komersiyal na pelikulang lokal ay walang iba kundi si Vilma Santos. Siya ang nagpa-uso o nagpasikat ng mga bida/kontrabidang papel. Bago pa man ginawa ni Demi More sa "Disclosure" o nitong huli si Meryl Streep sa "The Devil Wears Prada" ginawa na niya ito sa mga pelikulang "Sinasamba Kita," "Hahamakin Lahat" at sa iba pang pelikula kung saan ang bida ay hindi pa-martir habang inaapi ng mga kontrabidang walang ginawa kundi magsisigaw o manakit. Kung iisipin marahil kung sinuman ang sumulat ng pelikula ni Meryl Streep (the Devil wears Prada) ay isang Vilmanian o napanood ang pelikula ni Ate Vi na Sinasamba Kita. Ang karakter ni Meryl sa pelikula ay isang "cold-low-tone-bitch" ganitong ganito kung magsalita at umarte si Vilma sa Sinasamba Kita. Kung tinaray tarayan ni Meryl si Anne Hathaway sa kanyang pananamit, ganuon rin si Vilma sa pa nanamit ni Lorna. Sa tono ng pagsasalita ni Meryl na monotone at talangang mararamdaman mo ang bichy attitude nito, ganito rin ang mararamdaman mo sa pelikula ni Vilma. Kung iisipin ang pagganap ni Vilma sa maraming pelikulang naglalarawan sa iba’t ibang klase ng babae sa lipunan ay nagpabago sa kaisipan ng marami. Naunawaan natin ang kalagayan ng mga kabit lang na babae sa mga pelikula ni Vilma. Naunawaan natin na hindi perpekto ang buhay ng mga mayayamang babae. Ginampanan ni Vilma ang mga papel na matataray, mayaman, sosyal na mga babae pero sa likod nito’y pareho lamang ang nais nila tulad ng mga ordinaryong mahirap na mga babae. Ito ay ang mainitindihan sila’t mahalin. Kung iisipin sa ilang dekadang ibinigay sa atin ni Vilma hindi natin masasabing iisang papel or karakter lamang ang binigay niya sa mga pelikula niya. Kung ang kakontemporaryo niya, masasabing halos lahat ng pelikula’y naging pa-martir at laging api, si Vilma’y kasalungat o higit pa rito ang nagampanan. Iba’t ibang putahe ngunit hindi api-apihan kundi ang karakter ng isang taong lumalaban sa buhay, isang mataray, isang bida/contrabida, markang Vilma. Kung ang kamay sa mukha habang umiiyak, kilo-kilometrong linya at mataray na karakter ay mga tunay na markang Vilmang-Vilma, marami pang maidadagdag natin sa mga unang nabanggit ko. Sa loob ng apat na dekada patuloy ngayon sa bagong milenyo, pumapaindayog pa rin ang orihinal at kakaibang uri ng pag-arte ng isang Vilma Santos.
Gripo - Sinabi ni Binibining Boots Anson Roa sa isang artikulo na kakaiba ang isang Vilma Santos dahil kakayahan niyang magkaroon ng iba’t ibang klase ng luha. Sinabi ng beteranang aktress na kapag umiyak si Vilma’y mayroong pumapatak lang ang luha, mayroong tuloytuloy ng pagpatak ng luha at mayroong parang gripo. Ito ay kusang nagagawa ni Vilma dahil sa kanyang malalim na talento sa pagganap. Matatandaan na magmula pa sa murang edad na siyam ay taglay na ni Vilma ang kakayahan sa pag-iyak ngunit paano niya ito nanantili ay ang tanong. Marahil sa mga malulungkot niyang karanasan hinihigop niya ang mga eksenang nangangailangan ng iba’t ibang klase ng pag-iyak. Kung sinasabi nila na laging kontrolado ang pag-arte ng mahigpit niyang kalaban dahil sa mga mata nito’y ang sagot naman ng mga taga-subaybay ni Vilma’y ang kontroladong kakayahan nito sa iba’t ibang klase ng pag-iyak. Kung ikukumpara mo ang pag-iyak ni Nora sa Naglalayag at ang mga eksena ni Vilma sa Mano Po 3, makikita ang katotohanang ang pag-iyak ni Nora na pawang ngumangawa’t naglulupasay ay taliwas sa iwinawagayway na argumento ng kanyang mga tagasubaybay na ang pagarte nito’y laging kontrolado. Samantala sa maraming eksena ni Vilma na umiiyak sa Mano Po 3, makikita ang iba’t ibang klaseng pag-iyak. Nariyan ang untiunting tumutulo ang luha sa eksena sa ospital kung saan namatay si Jay Manalo, ang eksena sa simbahan kung saan ang luha ni Vilma’y kusang umaagos habang dinarasal nito na tulungan siya sa kanyang magiging desisyon. Ang halos bumagsak na luha habang sinasabi niya sa kanyang anak na babae nang lisanin siya sa hapag kainan: "aalis ka rin ba katulad nila?...iyan ang storya ng buhay ko..." Hanggang sa eksenang nagmamakaawa siya dahil sa pagkabaril ni Jay, umaagos ang luha niya, parang gripo ngunit may kontrol at alam mo na may katapusan ang pag-iyak. Marahil iisipin ng marami ng kaya rin ng mga kalaban ni Vilma sa pagganap ang iba’t ibang klaseng pag-iyak na ito. Ngunit mananatiling kulang pa rin ito sa mga sangkap na kaya lang ibigay ng isang Vilma Santos. Ang iba’t ibang klase ng pag-iyak kasabay ng epektibong pagbibigay ng malalim na bigkas sa mga kilokilometrong linya kasabay ng pisikal na galaw at pag-aaral ng papel (mataray, pa-martir o palaban), ito ang mga tatak o markang Vilma na hindi kailanman matutumbasan ng kahit na sinong artista, kasama na riyan ang mahigpit niyang karibal, si Nora Aunor.
Istilo sa pananamit - Sinasabi nila na ang tamang damit o kustom ng mga papel na ginagampanan ng isang artista ay nakakatulong sa epektibong pagganap. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit ilang beses ko na sinabi na hindi epektibo ang pagganap ni Nora Aunor sa Naglalayag dahil sa ang isang mayamang hukom ay dapat lamang na magsuot ng mga tamang damit, ang isang eksena kung saan ito ay dapat nakasuot ng damit pampaligo sa sariling "swimming pool" ngunit nakasuot lang ito ng t-shirt. Ang kustom ni Nora sa Super Gee marahil ang dahilan kung bakit sumemplang ito sa takilya samantalang ang mga kustom ni Vilma sa Darna, Wonder Vi at maging sa Dyesebel at Kampanerang Kuba ay nakatulong lahat upang magampanan ni Vilma ang mga komersyal na papel na ito na epektibo’t naging patok sa takilya. Kung ang pagbabatayan ay ang mga damit na suot ng mga artista’y maraming mga pelikula kung saan nakatulong ang tamang istilo sa mga matatagumpay na pelikula ni Vilma. Sa mga papel na ito binigyan ni Vilma ang kanyang manonood ng iba’t ibang klase ng istilo sa pananamit. Sa Burlesk Queen hindi lamang ang makikinang na seksing damit ng isang mananayaw kundi ibang klaseng istilo kung saan makikita sa maraming eksena na naka-"short-sleeve-polo-shirt" siya na halatang panglalaki at nakatupi ang laylayan ng sleeve. Isang senyales ng pagka-peminista ng papel na ito. Kasabay pa nito ang maikling buhok ni Vilma na may mahabang patilya. Sinadya ba ito o talagang ito ay isang hudyat ng liberasyon ni Vilma bilang isang modernong pilipina na patapos na ang dekada 70? Istilong Vilma, epektibong panglahok sa epektibong pagganap. Sa dekada 70 pa rin binigyan niya tayo ng magagandang istilo sa pananamit na makikita sa mga papel niyang ginampanan tulad ng mga damit niya sa Rubia Servious, Nag-aapoy na Damdamin, Ikaw Ay Akin at marami pang iba. Natatandaan n’yo ba ang damit ni Vilma nang gabi ng parangal, nuong Rubia bersus Atsay? Napakaganda ni Vilma. Makikita ang kakaibang pananamit na nagsasabing "to hell to all of you", malaya akong gagawin ang sa tingin ko’y nabubuti sa akin. Malaya sa pag-iisip at ito ay makikita sa mga aksesorya niya tulad ng mga perlas na hikaw at mahahabang kwintas. Ang pagpasok ng dekada 80 ay naghudyat na panibagong Vilma Santos. Ginamit niya ang makabagong pananamit sa maraming makukulay, matitingkad na komersiyal ng pelikula niya sa Viva at Regal. Kung konserbatibo ang mga damit niya sa "Gaano Kadalas Ang Minsan," kabaligtaran naman ang mga damit niya sa "Sinasamba Kita." Sa dekada ring ito’y naghudyat ang maraming papel na nangangailangan ng ibang klaseng istilo sa pananamit. Katulad ng mga damit niya sa Baby Tsina. Mahusay na isinuot niya ang maraming "mini skirt" bilang patunay na ito ang uso ng panahong iyon. Samantala’y narumihan ang puting damit niyang sinuot habang nakikibaka sa pelikulang Sister Stella L. Sinong makakalimot sa puting "night gown" niya sa tabing dagat sa eksenang kasama si Eric Quizon sa Pahiram Ng Isang Umaga. Hindi rin natin malilimutan ang mga "power suit", mga pasosyal niyang damit at mga high heels niya sa "Sinungaling Mong Puso." Hindi lang naman puro mga magagandang damit ang ibigay niya sa atin. Makikita rin siya sa ordinaryong "daster" na pambahay sa Relasyon o nitong huli bilang katulong na nagtratrabaho sa Hongkong sa pelikulang Anak. At isa rin sa mga dahilan kung bakit ko pina-ulitulit na sabihing ang pagganap ni Vilma sa Mano Po 3 ay mas epektibo dahil sa mga pananamit pa lamang makikita natin na ang napapanood natin sa telon ay hindi si Vilma kundi si Lilian Cheong Yang. Ito’y makikita sa tamang pananamit at istilo na ankop na pinag-aralan at hindi basta basta ipinagpaliban lamang. Ang isang Vilma Santos ay nagiisip ng tamang istilo ng pananamit upang maging epektibo ang paglalarawan ng mga papel sa telon. Ito ay isa sa tatak Vilma na hindi matu tularan ng iba.
Klase ng pag-arte - Merong iba’t ibang klase ng pag-arte. Nuong dekada 70, pinagbasihan ang mga klaseng kontroladong pagarte bersus pisikal na pagarte. Sinabi nila na si Nora Aunor at Lolita Rodriguez ang magkahawig dahil sa kanilang kontroladong pag-arte samantala si Vilma Santos at Charito Solis ang magkasama dahil sa kanilang pisikal na pagarte. Alin sa dalawang uri ng pagarte ang makakatotohanan at hango sa tunay na buhay? Depende kung sino ang tatanungin mo. Unang-una, kung ang pagbabasihan ay ang "longevity" at tagumpay sa kani-kanilang karir. Masasabing pawang mahina or tuluyang nawala na ang kinang ng karir ni Nora at Lolita. Samantala’y aktibo pa rin si Charito bago pa man ito sumakabilang buhay at tatanungin pa ba natin ang lagay ng karir ng isang Vilma Santos? Hanggang ngayon siya lamang ang nag-iisang nakatayong reyna na nanggaling sa dekada 70. Balikan natin ang ating tanong, alin sa dalawang uri ng pagarte ang mas epektibo? Nuong panahon nila Lino Brocka, madalas nilang sabihin na ang tahimik at kontroladong pag-arte ay mas epektibo ngunit hindi n’yo ba napupuna na hanggang sa bandang huli halimbawa sa huling pelikula ni Nora Aunor sa Naglalayag ay taliwas ang ginawang pagarte nito? Ang ibig kong sabihin naiba ang klase ng pagarte niya’t parang ginaya niya ang pagka-pisikal na pagarte. Sino ang hindi mababaliw sa parang may epelepsi niyang pag-iika-ika, pag-ngingisay-ngisay at pagbubunganga sa sinasabi nilang eksena sa burolan sa Naglalayag. Minsan pang iniksployt ng direktor ang sinasabi nilang galing ni Nora Aunor ngunit sa ganang akin, ang naging resulta ay maliwanag na "uma-arte" si Nora at walang makikitang kahit isang katiting na natural na pag-arte. Ang pisikal na pag-arte ni Vilma ay kakaiba. Hindi ito lutong-luto kung baga sa pagkain. Halimbawa, nang malaman niyang pinatay ang anak niya sa Dekada 70. Hindi siya nagngangawa at nagsalita ng kung ano-anong pagmumura o anumang salita sa halip hinimatay siya. Sa iba isang kakulangan ito. Sasabihing anong klaseng pag-arte ito? Pero sa tutoong buhay, ito ang talagang mas epektibong paglalarawang kung paano mo makakayanang malamang ang sarili mong anak ay pinaslang.
Isa pang halimbawa ng pisikal na pag-arte ni Vilma na epektibo ay ang eksenang nagbabati siya ng itlog siya sa Pahiram ng Isang umaga, kaka-alam lang niya na may sakit siyang kanser at unti-unting pumapasok sa kanyang kaisipan na mayroong posibilidad na mamatay siya ng maaga. Ipinapakita sa eksenang ang bigat ng kanyang dinadala. Hindi lamang ang mga huling pelikula ni Vilma ipinakita niya ang kakaibang pisikal na pag-arte na hindi lutong-luto kundi tamang-tama lang ang timpla. Halimbawa, habang gumagapang siya sa lupa pagkatapos pagsamantalahan ni Philip Salvador sa Rubia Servious. Paano mo ipapakita ang sakit ng katawang inabot niya sa sadistang si Philip? Makikita sa kanyang mukha ang hapdi hindi lang na inabot niya sa katawan kundi ang bangis ng ruming ibinigay ni Philip sa kanyang isip at puso. Hindi na siya malinis at kitang kita sa kanyang mga mata. Sa bandang huli makikita ang puot sa kanyang mukha habang pinapalo niya ng sagwan ang manggagahasang si Philip. Pagpupunyagi ang madarama mo, "sige patayin mo ang hayup na iyan!" ang paulit-ulit kong binibigkas sa eksenang ito. Kung ibinansag ng mga grupo na ang klase ng pag-arte ni Vilma’s pisikal, aking sinasabing hindi ito tutoo. Ang katotohanan ay ang pagarte ni Vilma’y kumbinasyon ng dalawang klase. At ito ang dahilan kung bakit naiiba ang markang Vilmang klase ng pag-arte. Halimbawa, sa Dekada 70, maraming eksena ang tahimik lamang at kontrolado ang pag-arte niya. Nang makita niya ang anak niya sa detensyon na puro pasa at iika-ika dahil sa "torture" na sinapit nito, makikitang tumayo lamang ito sa kinaka-upuan at yinakap ang anak habang umiiyak ito. Ang eksena sa kuwarto habang yakap yakap nito ang damit ng namatay na anak. Ngunit nang mamulat na siya sa konsepto na kailangang kumilos siya upang maging makabuluhan ang kanyang lagay bilang tao sa lipunan, nagsimula na siyang magsalita, magbigay ng opinyon sa mundo ng mga lalaki. Unti-unting nakikita ang pisikal niyang pag-arte. Pisikal na tamang-tama lang. Hindi niya kailangang mag-ngingisay-ngisay at magwala katulad ni Nora sa Naglalayag upang masabing umaarte siya. Hindi mo na kailangang maging isang kritiko Santos. Ito ay kumbinasyon na maraming klase na natutunan niya sa iba’t ibang direktor. Makikita mo na hindi mawawala ang pagka-pisikal niyang pag-arte at makikita mo rin ang mga tahimik na eksena.
Anong bago - Sa hinaba-haba ng mga pelikulang ibinigay niya sa kanyang mga taga-subaybay, ang laging tanong ng mga manunulat ay "Anong bago sa pelikulang ito?" Iyan marahil ang isa sa mga unang katanungan kung paano tinatanggap ni Vilma ang kanyang mga proyekto. Kung susumahin, naranasan ni Vilma ang gumawa ng sampu samperang pelikula nuong dekada 70. Nariyang kumanta siya’t sumayaw makipagsabayan sa kanyang mahigpit na kalaban at ito marahil ay ang naging daan kung bakit nalagpasan niya ang lahat ng mga kasabay niyang artista. Ang isa pang sangkap ng tagumpay ni Vilma ay ang pagyakap niya sa mga pagbabago. Nang hindi na uso ang mga musikal na mga pelikula naging matapang ito sa pagtanggap ng iba’t ibang klaseng pelikula. Nariyan ang mga pelikulang kakatakutan, mga pantasya’t kakatawanan. Nariyang maging serena siya, tinderang tsismosa, anak ng aswang o maging isang malditang anak. Buong tapang niyang ginampanan ang iba’t ibang klaseng papel na sumasagot sa katanungan, anong kakaibang aliw ang maibibigay ko sa aking mga taga-subaybay. Sa mga kasabay niya’t karibal, otsenta porsiyento na ang mga naging pelikula’y halos pare-pareho. Katulad ng mga pelikula ni Nora Aunor. Naging sagabal sa kanyang pag-unlad ang hindi nito pagtanggap ng matatapang na papel. Laging pa-martir at api-apihan ang mga papel na ginampanan nito. Walang pagbabago kasabay ng hindi nito pagtanggap ng katotohanang ang pag-arte ay patuloy na pag-aaral. At hindi palaging sa bawat pelikula’y kailangang ifokos ang "over-rated" niyang mga mata. Ang isang markang Vilma na hindi maitatanggi maging ng kanyang mga kalaban ay ang laging sariwang pananaw nito sa mga proyektong kanyang ginagawa. Kung kaya naman halos lahat ng pelikulang ginawa niya ay naging matagumpay sa takilya. Dahil sa laging mayroong bagong makikita ang mga manonood. Dahil ibang "aliw" ang kanilang malalasap. Ang mga markang Vilmang-Vilma: kamay sa mukha habang umiiyak, kilo-kilometrong linya, mga makukulay na karakter sa pagganap, Iba’t ibang klase ng pag-iyak, iba’t ibang istilo ng pananamit, Iba’t ibang kumbinasyon ng klase ng pag-arte at ang maaasahang bagong sangkap ng pelikula. Eto ang mga dahilan kung bakit orihinal sa pag-arte ang taglay ni Vilma Santos. Sa buong tapang niyang sinagupa ang mga kalaban, sa halos maglilimang dekada niya sa larangan ng pagganap, nag-iisa lamang siyang natitirang nakatayo sa itaas. Nag-iisang pagpupugay sa lahat ng mga taong sumubaybay sa kanyang kasikatan mula sa Trudis Liit hanggang sa Regalo. Buong pagpapakumbaba niyang pinahahalagahan ang mga taong tumulong sa kanya upang hubugin ang kakayahan niya sa pagganap. Kung bibigyan laman ako ng kapangyarihan upang magdagdag ng salita sa diksyunaryo, aking isasama ang salitang "Vilma." Ang salitang Vilma na ibig sabihin ito ay "orihinal sa pag-arte," natatanging katauhan ng isang mahusay na alagad ng sining. Katulad ng ginawa nila kay Imelda Marcos (ang salita "Imeldific"). Tunay, ka, ang isang Vilma Santos ay nag-iisa. Isang orihinal na kayamanan na hindi matutumbasan ng kahit na sinong artista nuon at ngayon. -
RV, V Magazine Issue Nos 10 (
READ MORE)