Kapag nakikita ko ang maraming taong nagra-rali sa Mediola, sa Liwasang Bonifacio o sa Edsa laging pumapasok sa isip ko ang maraming Pilipino na sa kabila ng pagsusumikap, ay patuloy na naghihikahos sa buhay. Mayroong panahong na ang tanging libangan ng mga ordinaryong mangagawa sa ating bansa ay ang magpunta sa naglalakihang sinehan sa Maynila upang mag-libang at kalimutan ang mga paghihirap sa buhay. Naalala ko nuon, maraming pelikula si Vilma na pumapawi sa mga paghihirap ng masa. Magmula pa nuong dekada sitenta, mga pelikulang dinudumog ng masang pilipino. Sobrang haba ng pila sa Cinerama nang ipinalabas ang Lipad Darna Lipad kahit na mainit ang kalagayang pang-politika sa ilalim ng administrasyon ni Marcos. Nang sumapit na ang dekada otsenta’y pinawi ni Vilma ang pangamba ng masa sa mga pelikulang komersyal tulad ng Sinasamba Kita at Gaano Kadalas Ang Minsan. Sa mga sumunod na dekada’y patuloy niyang inaliw ang masa sa mga matatagumpay na pelikula tulad ng Bata Bata Paano Ka Ginawa at Anak. Sa mahabang panahong ito’y maraming pelikula si Vilma na nag-lalarawan ng mga pakikibaka ng isang manggagawa. Mga pelikulang may intelehente at puso, Mga pelikulang nagsasalarawan ng mga gustong ipahatid ng mga taong sumisigaw sa kalye ng Mediola at Edsa. Itaaas ang sahod. Ibaba ang buwis. Ibagsak ang nakaluklok. Tama na, Palitan na! Ang sigaw ng masang Pilipino. Makikita ang mga pakikibaka ng mga mangagawa sa maraming pelikula ni Vilma. Naririto ang aking listahan na nagsasalarawan ng mga buhay mangagawa...
Ging – Isang batang batang Vilma Santos sa papel na manganganta at mananayaw sa pelikulang Ging. Sa kamay ng kanyang bagong ina-inahan, na ginampanan ni Carol Varga, dumanas si Ging ng parusa sa mahabang oras ng trabaho at limitadong pagkain at pagtulog. Pilit na pinigil ni Carol ang pagkain at pagtulog ng bata dahil ayaw agad nitong lumaki si Ging dahil sa takot na mawala ang pagiging bibo at ang kikitain pa habang bata pa ito. Mahabang oras ng trabaho at abuso ng may nasa kapangyarihan, isang pangkaraniwang karanasan ng masang Pilipino. Unang nakita sa pelikula ni Vilma kahit sa murang edad pa lamang.
Burlesk Queen – Nang magdesisyon si Vilma sa sagupain ang matapang na papel, nakita ng masang Pilipino ang sarili nila sa pelikulang Burlesk Queen. Bilang Chato, ang ninais niya’y bigyan ng kaginhawaan ang kanyang lumpong ama at magkaroon ng magandang buhay sa pamamagitan ng natatanging alam niya, ang talento bilang isang mananayaw. Itinakwil siya ng kanyang ama, iniwan ng kanyang katipan at sinagupa ang hamon ng buhay hanggang sa kanyang wakas. Ang pangarap ni Chato na makaahon sa kahirapan ay tumumbok sa isang pangkaraniwang hangad ng isang ordinaryong manggagawa.
Baby Tsina – Isinalarawan ni Baby Tsina ang buhay ng dekada sitenta sa kanyang trabaho bilang hostes sa klub. Makikita sa kanyang katapatan sa katipan at sa sitwasyon ng kanilang sinuong. Sa bandang huli ng pelikula makikita ang talumpati ni Baby tsina sa piitan na parang eksena sa mga rali sa Edsa o Mediola.
Adultery Aida Macaraeg – Si Aida ang siyang nagpapa-aral sa kanyang mga kapatid at ang tumayong ama ng kanilang malaking pamilya, magmula sa bayad sa kuryente hanggang sa matrikula ng mga kapatid, saan niya kukunin lahat ng gastusin. Natutong kainin ni Aida ang kanyang dignidad at pumatol sa isang mayamang matanda at tinalikuran ang katulad niyang mahirap na kasintahan. Isang buhay ng pangkaraniwan sa masang manggagawang Pilipino.
Pinay American Style – Tago ng tago at nagpapanggap ng mayaman sa America. Ito ang buhay ni PX. Sa kabila ng komersyal na direksyong ng pelikula naisalarawan ni Vilma ang papel ng isang pilipina na naghahangad ng magandang kinabukasan sa ibang bansa.
Pakawalan Mo Ako – Sinubukan niyang magtinda ng sabon sa kalye. Hopya at tubig lamang ang kanyang pananghalian habang nilalako niya ang mga paninda. Sa kahirapan niya naisip niyang maging isang call girl. Muli ninais niyang makaahon sa kahirapan, isang tipikal na suliranin ng masang mangagawang Pilipino.
Relasyon – Nagtratrabaho si Marilou sa Planetarium ngunit sa kabila ng medyo angat ng kita’y nagkaroon siya ng suliranin dahil sa pagpatol niya sa isang lalaki na may asawa na. Mga tanong pangpinansyal dahil hindi siya makakuha ng “joint bank account” na kailangan upang makabili siya ng ari-arian bilang may asawa. Isang panglipunang hamon ng sa isang kabit lamang.
Sister Stella L – Ang pagkakamulat ni Sister Stella Legaspi ang pinaka-sentral na mensahe ng pelikulang ito. Magmula umpisa hanggang sa huli’y makikita ang mga suliraning kinakaharap ng mga ordinaryong manggagawa sa aking bansa at kung paano ang isang tagamasid lamang ay humakbang upang makibaka at kumilos.
Bata Bata Paano Ka Ginawa – Ang isang pagiging babae ba’y sagabal upang patunayan mo na kapantay mo rin ang mga lalaki? Ang buhay ni Lea ay nagbibigay sigla sa katotohanang walang sagabal sa pagnanasang makuha mo ang mga pinapangarap mo sa buhay babae ka man o lalaki. At may karapatan kang hanapin ang kaligayahan sa kabila ng walang tamang panghuhusga ng lipunan dahil sa babae ka. Iniwan niya ang mga lalaking hindi nagpaligaya sa kanya at patuloy niyang tinaguyod ang mga anak. Makikita sa papel na ito ni Vilma ang tunay na pagsasalarawan ng isang makabagong liberal ng babaeng Pilipino.
Dolzura Cortez – Bukod sa inamin niyang gusto niya ang mga lalaki’y ninais rin niyang bigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak. Ang buhay ni Dolzura ay isang kasaysayan ng ordinaryong manggagawa. Ninais niyang makaahon sa kahirapan at kumapit sa patalim naging isang tagapag-benta ng aliw. Binigyan nya ng mukha ang sakit na AIDS sa Pilipinas. Ibinunyag niya ang isang mensahe upang huwag tularan ang kanyang naging buhay at upang maisalba ang ibang babaeng tulad niya. Isang bayaning pagpapasya.
Anak – Si Josie Agbisit ay isang tipikal ng mangagawa ng makabagong panahon. Nangibang bansa upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang tatlong anak at ang naging bunga nito’y ang pagkapariwa ng mga anak. Sa kabila ng mga sakripisyo’y kulang pa rin ang pakiramdam ng isang ina. Isang ina na sa mata ng lipunan ay nanatiling hindi pantay. Ang buhay ni Josie ay isang larawan ng mga makabagong bayani ng ating bansa, ang mga manggagawa.
Dekada 70 – Tulad ni Sister Stella Legaspi ang buhay ni Amanda Bartolome ay isang ehemplo ng isang ordinaryong ina na nakamasid lamang ngunit naging matapang at naging isang militante. Hango sa masalimuot ng dekada sitenta, ang papel ni Vilma sa pelikulang ito’y isang matapat na pagsasalarawan ng ordinaryong Pilipino na naging bukas ang isip at tumanggap ng hamon upang kumilos para sa pagbabago hindi lamang sa kanyang personal na buhay kundi sa pagbabago sa lipunan.
Ang mga pelikulang binangit ko sa itaas ay mga pelikulang naghudyat sa atin na mag-isip o buksan ang ating kaisipan sa mga konsepto na karamihan ay mga suliraning panglipunan, mga suliraning kinakaharap ng ordinaryong manggagawa, ng masa. Sa halos dalawang daang pelikulang ginawa ni Vilma Santos, ilan lamang ito sa mga papel na nagsalarawan ng buhay ng mga Pilipino sa ilang dekadang tadtad ng naggagandahang pelikulang pangkomeryal o pangintelektuwal. Ang halos lahat ng mga pelikulang ito’y nagdulot ng ligaya sa masang Pilipino ngunit higit sa lahat naghudyat upang bigyan daan ang bukas na paguusap sa mga isyu na kinakaharpa ng pangkaraniwang mangagawa o ng masa. - RV, unang nilathala nuong Augosto 30, 2005 sa Yahoo e-group.