Si Celso Ad Castillo ay marami nang naunang eksperimento. Pero pumaltos sa pamantayan ng mga manunuri. Maraming nagsuspetsa na may ibubuga siya, pero hindi lang talaga maibuga nang nasa tiempo. Malimit ang kanyang pelikula ay maingay at maraming sobra. Halimbawa, maraming karahasan na wala namang katuturan ang kanyang Madugong Daigdig ni Salvacion, seksing walang kadahilanan (pinagandang garapal) ang kanyang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa, numero unong manggagaya ang kanyang Maligno, at sabog-sabog ang kanyang pinakamagandang nagawa, ang Daluyong at Habagat. Kung may magkamali mang pumuri kay Celso, iyon nama’y halos pakunsuelo-debobo lamang, at hindi ito sapat para itaas ang kanyang pedestal sa ranggo nina Bernal, Brocka at Romero. Wari ngang napako sa komersiyalismo ang direktor na inaabangan maglalabas ng natatagong talino. Lalong nagduda sa kanyang kakayahan ang mga kritiko nang kumalat ang balita na gagawa siya ng serye sa TV na ala Cleopatra Jones na papamagatan naman niyang O’Hara. Pero ang direktor na ipinapalagay na laos ay biglang pumalag nang walang kaabog-abog. Bigla’y nabalitang may inihanda raw itong pang-festival na ikinataas na naman ng kilay ng kanyang mga kritiko. “Aber tingnan,” ang pasalubong sa balita. At sa preview ng kanyang Burlesk Queen, biglang napa-mea culpa ang ayaw maniwalang may ibubuga si Celso. Tiyak na naiiba ang Burlesk Queen, kahit ikumpara sa mga naunang trabaho ni Celso at sa iba pang direktor na nagtangkang tumalakay sa paksang ito.
Matagal-tagal na rin namang nauso ang kaputahan sa pelikula, pero walang nakapagbigay ng katarungan sa lahi ni Eba bilang Pilipina at bilang puta. Sa Burlesk Queen, para kay Celso ay hindi nangangahulugan ng pagpapakita lamang ng utong, puwit o singit, kung hindi isang seryosong pagtalakay sa damdamin ng mga tauhan sa isang kapanipaniwalang dahilan na nangyari sa isang makatotohanang kapaligiran. Sa kanya, ang tao ay hindi basta maghuhubad at magtatalik. Maraming pangyayari sa buhay ang dapat munang linawin at unawain, at iyon ang basehan ng kasaysayan. Simple lamang ang plot. Isang tinedyer si Vilma Santos na alalay ng isang original burlesk queen, si Rosemarie Gil. May tatay na lumpo si Vilma, si Leopoldo Salcedo. Si Rosemarie naman ay may kabit na isang hustler, si Roldan Aquino. Nang iwanan ni Roldan si Rose, nagwala ang huli. Naging lasengga siya at tumangging magsayaw sa tanghalan. Mabibitin ang palatuntunan, kaya’t si Vilma na talaga namang may ambisyong magsayaw ang pumalit. Hit naman sa manonood si Vilma. Sa bahay, pilit kinukumbinsi ni Vilma si Pol na payagan na siyang maging full time dancer. Ayaw ni Pol, mas mahalaga sa kanya ang prinsipyo at delikadesa. Sapagkat wala namang ibang pagkakakitaan, si Vilma rin ang nasunod sa bandang huli. Nag-suicide si Pol nang hindi na niya masikmura ang pasiya ng anak. Si Rollie Quizon naman ang binatilyong masama ang tama kay Vilma. Nagtanan sila at nagsama. Pero hindi sanay sa hirap si Rollie. Sa pagpili sa pag-ibig o ginhawa sa buhay, ang huli ang pinahalagahan niya. Nagkataon namang buntis na si Vilma. Sa pag-iisa sa buhay, nagbalik siya sa pagsasayaw. Nagsayaw siya ng nagsayaw hanggang duguin siya sa tanghalan at malaglag ang kanyang dinadala. Bagamat simple ang plot ay hindi naman masasabing simple ang pamamaraang ginawa rito ni Celso.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nangyari sa isang pelikula ang pagsasama-sama ng magandang istorya, mahusay na direksyon, magaling na pag-arte ng mga tauhan, masinop na musika, magaling na editing at angkop na sinematograpiya. Sa Burlesk Queen ay nagsama-sama ang talino ni Celso (direktor), Mauro Gia Samonte (story and screenplay), George Canseco (musical director), Ben Lobo (cinematographer), at Abelardo Hulleza (editor). Kung may ipipintas sa pelikula, iyon ay ang hindi malinaw na pagbuhay sa panahon na nangyari ang kuwento. Kung minsa’y maiisip na nagyari ito sa panahon ng kasikatan ni Elvis noong 1950s. Pero kapag pinansin na maraming long hair sa extra, may wall paper at synthetic na sako ang bahay nina Vilma ay maaari namang sabihing baka naman pa-Elvis craze lamang ang mga tao roon. Pero may pulitiko, at Yabut, at may dagdag pang Connie Francis bukod sa motorsiklong Lambretta at mga kotseng Buick. Kung sabagay, maliliit na detalye lamang ito na agad makakalimutan kapag ang inasikaso ay pagbuklat sa magagandang punto ng istorya.
Tingnan natin ang ilang magandang eksena sa pelikula. Sa ikalawang eksena ay nagtatanong si Vilma kay Rosemarie kung puwede rin siyang maging dancer. Walang malinaw na sagot si Rose, pero ang timing ng background music na It’s Now or Never ay makahulugan. It’s Now or Never nga, payo ni Elvis. At kung kailan siya maaaring mag-umpisa, Tomorrow, sabi ng kanta. Ang ganitong sagot ay nasa mukha ni Rose, pero hindi na kailangang sabihin. Ang ganitong pamamaraan ay tinatawag na creativity ng direktor, na nagdagdag ng ibang pamamaraan sa paghahayag ng damdamin ng tauhan. Sa paglakad ng istorya, dapat ding pansinin kung paano ang characterization ay binubuhay dito. Halimbawa, sa isang eksena na nangyari sa isang patahian ay nag-abot sina Dexter Doria, ang bagong kabit ni Roldan Aquino, at si Rose. Naroroon din si Vilma at sa hindi kalayuan ay si Rollie. Maliwanag na may kani-kanyang pangangailangan ang mga tauhan at magkakasama sila sa iisang eksena. Walang nakawan ng eksena na naganap dito. Naginsultuhan sina Dexter at Rose, natameme si Roldan at waring walang pakialam sina Rollie at Vilma na panay na panay ang kindatan. Lalo namang walang pakialam ang dalawang pulubi na tumutugtog ng violin (na siya ring background music) sa mga nangyayari. Limos ang mahalaga sa kanila.
Sa eksenang ito’y may gamit ang lahat ng tauhan, wala sa kanilang nagsilbing dekorasyon, walang nag-o.a. at parepareho nilang ginawang makatotohanan ang komprontasyon. Magandang halimbawa ito ng synchronized acting. Kung allusions naman ang pag-uusapan, marami ritong mga sariwang metaphor na mababanggit. Isa rito ang mahusay na pagpapakita na birhen pa si Vilma sa sex act nila ni Rollie. Habang nasa likod ng tanghalan ay may nagaganap sa magkasintahan, sa tanghalan ay nang-aliw naman ang mga acrobats na sinundan ng isang madyikero na tumutusok ng sariling noo, nagbabaon ng pako sa ilong at lumululon ng espada. Masakit tingnan iyon. At ganoon din ang nararanasan ni Vilma sa likod ng tanghalan sa piling ni Rollie. Hindi rin madaldal ang pelikula. Kung itatanong kung paano tinanggap ni Pol ang pasiya ng anak, nagtulos na lamang siya ng isang makahulugang kandila sa altar na para na ring sinabing “bahala na ang Diyos sa iyo”. Kung paano naman ipinakitang naging mananayaw na nga si Vilma, sapat nang ipakita ang isang trak na nagbababa ng isang wheel chair na ipapalit sa lumang tumba-tumba ng ama. Maging ang paglakad ng panahon ay nararamdaman din ng manonood kahit hindi ikuwento o ipakita ang kinagawiang pamamaraan at ulat ng “nalalaglag na dahon ng kalendaryo o dahon ng puno kaya”. Sunod-sunod na cuts na nagpapakita sa uri ng palabas sa tanghalang kinabibilangan ni Vilma ang ginawa ni Celso. Saka ito sinundan ng kuha naman sa bahay nina Vilma at Rollie. Nag-iinit ng tubig si Vilma habang nakikinig ng dula sa radyo tungkol sa buhay ng isang asawang tamad at iresponsable.
Ganoon nga ang nangyayari sa buhay ng dalawa, at may kasunod ring “abangan sa susunod na kabanata”. Sa paghihiwalay ng dalawa, sapat na ring iparinig ang awiting You’re All I Want For Christmas, para buhayin ang irony na nagaganap sa relasyon ng dalawa. Kung makinis ang exposition at pagbuhay sa conflict ng istorya, malinaw rin ang paghahanda sa wakas ng pelikula. Si Rose na laos na ay naging mumurahing puta. Si Dexter kahit hindi ipakita ay maliwanag na sumama na sa ibang lalaki. Si Roldan ay may bago nang kabit at napatay sa spiral staircase ng tanghalan na siya rin niyang dinadaanan sa paghahatid sa dalawang naunang kabit. Si Rollie, ang mama’s boy, ay natural bawiin ng ina. Si Vilma ay nagsayaw-nangnagsayaw. Sa simula’y mahinhin at nakangiti at kaakit-akit hanggang sa pagbilis ng pulso ng tambol at pompiyang ay naubusan ng ngiti, tumagaktak ang pawis at manghina ang ligwak ng kanyang balakang, upang sa pagbuhay sa damdamin ng manonood ay siya namang maging dahilan ng pagkalaglag ng sanggol na kanyang dinadala.
Sa labas, matapos ang pagtatanghal, may tatlong bagabundong naiwan na nakatangkod sa larawang pang ‘come on’ ng burlesk queen, habang ang kadilima’y bumabalot sa kapaligiran. Kung matino ang kaanyuan ng pelikula, ay ganoon din ang masasabi sa nilalaman. Makatotohanan at masinop ang pagtalakay sa buhay ng isang abang mananayaw. Tinalakay rin dito kung paano siya tinatanggap ng lipunan at inuusig ng mga tagapangalaga raw ng moralidad. Maging ang empresaryo ng tanghalan na ginampanan ni Joonee Gamboa ay may konsiyensiya rin at nagtatanong sa atin kung anong panoorin ang dapat ibigay sa isang ordinaryong Pilipino na hindi kayang pumunta sa mga mamahaling kainan upang manood tulad halimbawa ng Merry Widow at Boys in the Band. Sila, aniya ng mga ‘dakilang alagad ng moralidad na nagdidikta at kumu-kontrol sa moralidad ng komunidad’, katapat ng munting kasiyahan ng isang Pilipinong hindi ‘kaya ang bayad sa mga ekslusibong palabas ng mayayaman.’ Samantala’y busy tayo sa paglilibang at sa kanila’y walang pakialam ngunit may handang pintas at pula sa mangahas lumabas sa batas ng moralidad ng lipunan. - Jun Cruz Reyes, Manila Magazine, Dec. 1-31, 1977
RELATED READING:
- Burlesk Queen WINNER of 10 MMFF Awards
- 1977 Metro Manila Film Festival
- Video 48: Vilma Santos As “Burlesk Queen” (1977)
- Vilma Santos’ Top 10 Film Directors (part five)
- IMDB: Burlesk Queen (1977)
- Celso Ad: Burlesk Queen
- IMDB: Celso Ad. Castillo
- IMDB: Rolly Quizon
- IMDB: Rosemarie Gil
- IMDB: Leopoldo Salcedo (1912–1998)
- Pelikula Atbp: Burlesk Queen (1977)
- The Kid, uninterrupted
- ‘Burlesk Queen’ Onto The Height of Pathos
- Vilma Santos as Burlesk Queen (1977)
- From Video 48 blog site… Vilma Santos As Burlesk Queen 1977
- Amanda Page performs a burlesque inspired number for the MMFF Gabi ng Parangal (Video)
- The Classic Vilma Santos Movies