Pages

Sunday, January 18, 2015

Angge: Ang Tagahangang Naging Artista


Si Angge ay mas kilala ngayon bilang komikera sa radyo, telebisyon at pelikula kaysa isang masugid na tagahanga ng mga artista. May sarili na rin siyang hukbo ng mga tagahanga, na karamihan marahil ay mga kasamahan niya nang siya'y presidente ng Ronnie-Susan Fans Club, Ricky-Rosemarie Club at nitong huli'y ang Edgar-Vilma Fans Club. "Hindi ka siguro maniniwala na naging tagahanga rin ako ni Nora Aunor," sabi ni Angge nang kapanayamin namin siya sa ABS-CBN, "pero kaya lang, alam mo na, kaming mga fans e masyadong maramdamin. Pero 'yang si Susan, naku, siguro habangbuhay e mananatili akong fans n'yan. Ang bait kasi! Angelina de Ocampo ang buong pangalan ni Angge. Tubong Pako, Maynila. Enero 18, 1947 nang isilang ng kanyang inang si Remedios de Ocampo. Sampu silang magkakapatid na sina Reynaldo, Pedro, Juan, Oscar, Lilet at Mario. Si Direktor Pablo Santiago ang nagbigay sa kanya ng break sa pelikula. Turista siya sa pelikulang "Continental Playboy" na tinampuhan ni Helen Gamboa. Pagkatapos noon ay kinuha siya ni Doc Perez na noon ay nangangailangan ng isang ekstrang lalabas bilang isang Aprikana sa pelikulang "All Over the World" na pinangunahan noon nina Rosemarie at Ricky Belmonte. Pagkatapos ng "All Over the World" ay nagkasunod-sunod na ang kanyang mga pelikula sa bakuran ng Sampaguita at iba pang kompanya. Kabilang dito ang pelikulang "Way Out in the Country," "May Tampuhan Pa-minsan-minsan," "Sitting in the Park," "Pogi," "Joaquin," "Petrang Paminta," "Servillano Zapata," "Wrong to Be Born," at iba pa.

Ano ba ang nakukuha ninyo sa pagsapi-sapi d'yan sa mga fans club? tanong namin kay Angge. "Wala. Kasiyahan na lang siguro. Hindi ka siguro maniniwala, nagpunta kami sa La Union, tatlo lang kami, sarili namin ang pasahe, para lang makita noon si Susan. 'Yang La Mesa Dam na 'yan, naku, nilalakad lang namin 'yan para makita si Susan."

Ano bang mga pamantayan n'yo sa pagtataguyod sa isang artista? "Unang-una tumitingin kami sa ugali. Hindi kami tumitingin sa ganda. Pangalawa, background ng pamilya."

Sariling gastos ba n'yo 'yong mga sampagitang isinasabit n'yo sa kanila? "A, oo. Hindi ka siguro maniniwala, maliit pa lang ako, gumagastos na ako para lang makakita ng artista. Kasi sidewalk vendor ako n'on. Nagtitinda ako ng bato ng lighter, blade at kung anu-ano pa."

Totoo ba ang tsismis na kumakalat tungkol sa iyo? biro namin. "Na ano?" napamulagat si Angge, "anong tsismis 'yon?" "Alam ko ho 'yon," sabad ng isa niyang kaibigan. "Loko, hindi biron 'yan ha," pinandilatan ni Angge ang kanyang kaibigan, "bibirahin kita!"

Hindi, biro ko lang 'yon, palubag ko kay Angge nang mapansin kong galit na siya. Siyanga pala anon ang mga katangiang hinahanap mo sa isang lalaki? "Kahit pangit, basta masipag, mabait at mahusay magdala ng damit."

Nakatagpo ka na ba? "Hindi pa," sabi niya habang nakatitig kay Rody na aming potograpo.

Bakit mo nga pala nagustuhan si Vilma kaysa kay Nora? "Kasi noon, alam ni Vilma na fans ako nina Edgar at Nora. Pero binabati pa rin ako. Very sweet pa rin si Vilma sa akin. Si Nora naman ay parang matabang ang pagtingin sa amin. Kaya napagpasiyahan kong mahalin si Vilma nang sampung ulit kaysa pagmamahal na iniukol ko kay Nora. At saka alam mo, si Vilma e masyadong maalalahanin. 'Yong bang maliliit na bagay e naaalala kami. Halimbawa, pinasasakay kami sa kanyang kotse, niyayayang kumain na talaga namang kahanga-hangang gawin ng isang artistang sikat katulad ni Vilma. Kaya naman mahal namin ang batang 'yan."

Lumaki ba naman ang ulo mo nang maging artista ka? "Naku hindi! 'Yan ang hinding-hindi ko gagawin. Talagang hindi ako magbabago. Ako pa rin ang dating si Angge."

Magkano nga pala ang ibinabayad sa iyo bilang artista? Off the record ito. "Huwag mong ilalagay d'yan ha?" Oo. "One." One peso? "Basta one. Papatayin kita eh!" pumadyak si Angge.

Under contract ka ba sa isang estudyo? "Hindi. Pero pag lumalabas ako sa iba e humihingi muna ako ng permiso kay Doc Perez. Pag sa TV naman e nagpapaalam ako kay Direktor Tony Santos.'

Ano nga pala ang lihim mo ng pagpapaganda? Huling tanong namin. Pinapungay niya ang kanyang mga mata at nakinita namin ang isa sa mahigpit na makakaribal ng ating mga pangunahing komikera sa ngayon. Inspirado si Rody nang kunan niya ng larawan si Angge - ang tagahangang naging artista. - J. Ser SahagunPilipino Magazine, August 19, 1970 (READ MORE)

Angge (Cornelia Lee) - a popular movie actress/comedienne from the 1970s. From the 1980s to the present, Angge worked as talent manager of young movie stars. - Wikipilipinas (READ MORE)