Pages

Friday, December 7, 2012

Nora at Vilma Sa Gitna ng Basura


Naging perya ang mga sinehan ng Kamaynilaan sa nakaraang 1978 Metropolitan Manila Film Festival. Bumalik sa dating sistema ng palabunutan ang tambiyolo ng kapalaran, sa halip na magkaroon ng pamimili sa mga produktong may uri at karapat-dapat ipalabas tulad ng nangyari noong nakaraang pista. Dinagdagan ang singil ng singkuwenta sentimos (para daw sa Mowelfund ni Joseph Estrada na muling nahirang na pangulo ng PMPPA, ang samahan ng mga malalaking prodyuser) at nagkaroon ng bolahan, at may mga nakalaang premyo tulad ng kotse at mga appliances para sa masusuwerteng ticket holders. Sige na, matuloy lang ang perya.

Dahil sa mula’t mula pa’y hindi agad masiguro kung tuloy o hindi ang pestibal (dahil rin sa ayaw makipagtulungan ng mga may-ari ng sinehan), ang karamihan sa mga pelikulang lahok ay yaong mga yari na, o di kaya’y nilagare para humabol sa pestibal, at galing sa mga prodyuser na nagkasuwerteng makabunot ng sinehan. Nang magmatigas ang mga may-ari ng teatro sa pamumuno ni Johnny Litton, sumugod ang mga taga-PMMPA sa Malacanang para kausapin si Gng. Imelda Marcos. Nang mabigyan sila ng opisyal na pahintulot, walang nagawa ang mga theatre owners kundi sundin ang direktiba. Tuloy ang pista, ang parada, ang bolahan nitong kapaskuhan. Tulad ng nakaraang taon, siyam din ang kalahok (bagama’t noon ay idinaan sa mahigit na pamimili ng mga hurado). Kung nagkaroon ng screening, dalawa lamang siguro ang makakapasa. Ang pito ay dapat sanang pinalabas sa Mahal na Araw bilang penitensiya sa mga manonood (ngunit tinapat din sa Pasko, kung kailan pa naman naghahanap ang mga manonood ng mapaglilibangan hindi ng kalbaryo). Sa katunayan, may isang pangkat na nagpetisyon sa pangulo tungkol sa karahasan ng mga pelikula, sa tema at paksa, ngunit madali silang sinagot ni Meyor Estrada. Kulang daw talaga sa panahon at preparasyon, at aprobado daw ng sensor ang mga ito, giit niya. At saka mas mabuti na raw ang local garbage kaysa sa imported garbage. Maitatanong tuloy: Kung basura ang mga pelikula, bakit hindi ipahakot sa Metro Manila Aide sa halip na ipakita sa mga tao? Kung basura’y bakit binabayaran ng kuwatro pesos?

Tunay ngang mababa ang uri ng mga pelikula. Magsimula tayo sa ibaba. Nangunguna na sa grupong ito ang Salonga, na ibinatay raw sa tunay na buhay ni Nicasio “Asiong” Salonga, kilalang lider ng isang gang sa Maynila nang mga huling taon ng 1940. Sa direksiyon ni Romy Suzara, naging malabo ang kuwento. Hindi mo maintindihan kung bakit naging hoodlum si Salonga, kung bakit gusto ng mga taong magbigay ng tong sa kanya, kung bakit siya naging pinuno ng kanyang gang, at kung bakit siya naging public enemy no 1. Walang direksiyon ang iskrip ni Humilde Roxas, maliban sa pagpapakita ng kaunting aksiyon, kaunting romansa, kaunting drama, at kaunting pakuwela. Ni wala kang makitang insight sa mga tauhan at sa kapaligirang nagluwal ng ganitong klaseng karahasan. Bilang action picture, amateurish ang pagkakadirehe ng mga bakbakan (malayong-malayo sa Boy Pana ni Suzara). At bilang artista, si Rudy Fernandez ay may all-purpose look sa kanyang baby face na una na nating nasialayan sa Baby Ama. Sa pangkalahatan, ang pelikula ay dapat tinaguriang “Asiong Aksaya.”

Isa pang aksaya ng pera at panahon ang Jai Alai King. Kuwento naman ito ni Drigo Garrote (Christopher de Leon) na isang amateur pelotari na may ambisyon maging propesyonal. Sa tulong ng kanyang sidekick na bata (Dranreb) ay malapit nang matupad ang kanyang pangarap. Ngunit may malaking problema: maraming naiingit sa kanya ang mga kapwa-pelotari, na pinamumunuan ni Juan Delgado (Johnny Delgado). Naroong ipabugbog siya. Naroong patamaan siya ng bola. Naroong agawin ang kanyang babae. Sa madaling salita, madali pormuang ginamit: may pag-ibig (tatlong babae ang may gusto kay De Leon), may drama (nagtampo ang batang sidekick), may aksiyon (maraming alalay si Delgado na wala namang ginawa sa pelikula), at maraming pakwela si Boyet at Dranreb na dito’y walang-iniwan sa matandang dalaga. Biro mong siya ang manedyer, kahero, tagapayo, at numero unong tagahanga ni Garrote. Nagka-routine ng direksiyon ni Manuel Cinco (kung matatawag itong direksiyon). Napakaraming butas ng istorya (ni hindi ipinaliwanag kung bakit nakatira ang Jai-Alai player sa guhong bahay). Malabo rin ang mga kuha ng kamera kaya sasakit ang mga mata mo. At maraming kuha sa jai-alai na hindi magkasabay na ipinapakita ang mga manlalaro at ang mga tao. Nakapanghihinayang na wala rito ang mga bagay-bagay na inaasahan mong makita: ang intriga, ang pagbebenta ng laro, ang manipulasyon ng mga kapitalista, ang adiksiyon ng masa sa sugal na ito, ang tunay na daigdig ng jai-alai.

Wala ring sinabi at sinasabi ang The Jess Lapid Story, isang pagtatangkang buhayin ang pangalan ng kilalang stuntman na sumikat sa pelikula noong mga taong sisenta, nang mauso ang aksiyon. Sa halip, binibigyan tayo ng mga de-kahong sitwasyong nagpapakita ng 1) kanyang buhay 2) pag-ibig 3) pakikipagsapalaran sa daigdig ng pelikula. Ipinakita ang kanyang kahirapan sa probinsiya, ang pagpapalit-palit niya ng trabaho, ang pagsisimula niya bilang boksingero, utility man, stuntman, at hanggang maging action king siya sa kama at telon. Ngunit sino talaga si Jess Lapid, at bakit siya kinainggitan ng ilang tao at pa-traydor pang binaril? Itanong mo na lang sa mga sumulat ng iskrip, sina Diego Cagahastan at Tony Mortel, at kay Cesar Gallardo, direktor ng pelikula, na patuloy ang pagbulusok sa kawalang-sinabi. Lahat ng mga pelikulang hawakan ni Gallardo ngayon ay paurong nang paurong mula sa kalidad ng Kadenang Putik noong 1950. Magaling bilang stuntman si Lito Lapid (pamangkin ni Jess sa tunay na buhay). Ngunit bilang aktor, marami siyang dapat matutunan. Una na rito, ang kanyang pananalog. Halatang Pampanggo ang dila niya, at napaka-conscious niya sa kamera. Malimit siyang naka-pose bago magpakita ng stunts, na kalimita’y lundag at lipad. (‘The Flying Lapid’, puna ng isang kaibigan ko). Nasayang lang si Beth Bautista rito bilang martir na asawa ni Jess, samantalang sina Tina Monasterio at Trixia Gomez, mga naging kabit ni Jess sa pelikula, ay talagang wala nang pag-asa. Ipinapayo kong magpalit na lang sila ng trabaho at huwag na tayong idamay sa kanilang walang talino o galing.

May maganda sanang materyal ang pelikula ng isang stuntman, Ang Huling Lalaki ng Baluarte. Mayaman sa alegorya at simbolismo ang kuwento nito tungkol sa isang lugar na nililigalig ng isang ganit na pinuno at kinikidnap ang kalalakihan para sapilitang pagtrabahuhin sa minahan ng ginto. Isang lalaki na lang ang natitira sa lugar, na siyang tanging pag-asa ng mga kababaihan, hinanap ni Isaac (Malonzo) at ng ilang babaeng kanyang tinuruang makipalaban, ang nawawalang mga lalaki ng Baluarte. Sa wakas, siyempre, natagpuan din nila ang minahan, napatay lahat ang masasamang-loob, at naipakita rin ni Malonzo ang kanyang husay sa martial arts. Beterano siya kung ihahambing kay Lapid, at puwede rin sa drama. Ngunit sayang. Sa kamay ng isang direktor na may malawak na imahinasyon, naiangat sana ang materyal nito para maging makabuluhan sa karanasan ng mga Pilipino, at sa mga tungaliang nagaganap sa ating paligid. Kung di nga nauwi sa bakbakan, barilan at bidahan. Sa kamay ni Artemio Marquez, ang kuwentong pangkomiks ni Carlo Caparas ay naging behikulo para ipakita ang huling gimik ni Malonzo sa karate, sa judo at sa baril.

Kung nauwi sa aksiyong nakasasawa ang Baluarte, naging malapot na drama naman ang Katawang Alabok ni Emmanuel Borlaza, na sa pamamaraan at pananaw ay dapat tanghaling Huling Direkto sa Pilipinas. Hindi na uubra ang kanyang mga obra. Mga diskurso sa Eva Fonda. Mga bodabil sa Dodong Diamond. Mga pa-bold-bold sa Mga Bulaklak ng Teatro Manila. Bawat tauhan ni Borlaza ay kinakailangang mag-drama. At dramang pag-Gala. Magandang halimbawa ang Katawang Alabok. Sa kanyang sinasayawang teatro natipuhan si Lorna Tolentino ng mayamang matanda (Vic Silayan), na may baliw na asawa (Lucita Soriano) at may anak na direktor (Robert Arevalo). Gustong pag-artistahin ni Arevalo ang dalagita kaya naiinggit ang iba niyang artista sina Orestes Ojeda at Janet Bordon at ang doktora ng pamiya na si Daisy Romualdez. Kaya lumayas si Lorna at nakilala niya ang isang bulag (Manny Luna), na anak ng masungit na trabahadora (Anita Linda) na… Magulo ano? Hindi. Masalimuoot. Tipikal na produkto ng panulat ni Pablo Gomez na lalo pang nagkalikaw-likaw sa iskrip ni Allan Jayme Rabaya.

Sa dami ng artista, hindi mo malaman kung uuwi ang Katawang Alabok sa alabok na pinagmulan. Isa lamang ang namumukod dito: si Robert Arevalo. Sa tabi niya, nagmistulang katawan lamang ang mga tulad ni Orestes Ojeda (hindi marunong magsalita), Daisy Romualdez (hindi marunong mag-ayos), Lucita Soriano (hindi marunong magloka-lokahan), Manny Luna (hindi marunong magbulag-bulagan), Lorna Tolentino (hindi marunong mag-bold), at Vic Silayan (hindi marunong pumili ng pelikula). Hindi ko alam kung bakit ang katulad ni Borlaza ay patuloy na kinakandili ng makabagong istudyo na tulad ng Agrix. Siguro, kung sa Gala, maari pang umangat ang katawan ni Borlaza sa Alabok. Pang-stage show rin ang Jack and jill of the Third Kind, lalo na ang mga pakulo nina Dolphy at Nora Aunor. Pangatlong daan na siguro itong papel ni Dolphy na talyadang kinahumalingan ng isang mayamang hindi marunong kumilatis kung talyada o tandang ang kaharap. May pagkakatulad sina Panchito at Rolly Quizon: kailangan nila ng larga bista para malaman kung babae o lalaki ang tsuper nitong si Nora, at kung si Dolphy ay tunay na babae o manlalabas sa perya sa San Andres. Maging ang mga pagpapatawa ni Dolphy ay gasgas na gasgas na: matutumba sa swimming pool, nakabestida ng satin at kakanta sa hardin, maglalagay ng itlog ng manok sa dibdib na mapipisa at tutulo sa binti, hahawahan ng pagka-talyada ang matong nagtuturo sa kanyang lalaki, ad nauseum. Nalipasan na nga ng panahon ang pagkatalyada ni Dolphy, tulad din ng Jack and Jill ni Mars Ravelo, na hinalukay pa sa antigong baul ni Orlando Nadres. Kung uri ang paguusapan, de-kalidad ang Rubia Servios. Kaya lamang, may sabit. Maraming butas ang iskrip ni mario O’Hara.

Ang istorya ng Rubia Servios ay batay sa mga legal story ni Aida Sevilla Mendoza, at ito’y pumapaksa sa babaeng ginahasa ng kanyang masugid na manliligaw. Si Rubia (Vilma Santos) ay isang medical student na may kasintahang kaeskuweala, si Norman (Mat Ranillo III). Balak nilang magpakasal pagkatapos ng kanilang pag-aaral. Karibal ni Norman si Willie (Philip Salvador) na ayaw tumanggap ng kabiguan sa pag-ibig. Anak siya ng mayaman at maipluwensiyang pamilya sa Kabite. Kaya nang tapatin siya ng dalaga na wala siyang maaasahan, kinidnap niya si Rubia sa isang bahay-bakasyunan at ginahasa ito. Nang magkaroon ng pagkakataon ang babae, tumakas ito at isinuplong si Willie. Idinemanda ang lalaki at nahatulang mabilanggo ng anim na taon. Paglabas ng lalaki sa bilangguan, ginulo na naman niya ang buhay ng babae na ngayo’y asawa na ni Norman at may dalawang anak (ang una’y anak niya kay Willie). Dahil sa pananakot ng hui, nakipagtagpo si Rubia, at muli na namang ginahasa sa sementeryo sa harapan pa naman ng asawa. Kinidnap ni Willie ang anak niya para gawing pain sa pagtatagpo nila ni Rubia at para sumama na tio sa kanya. Ngunit nagkakaroon na naman ng pagkakaton ang babae na lumaban at sa bangka, hinampas niya si Willie ng sagwan, at pagkatapos ay binaril ang lalaki hanggang sa ito’y tuluyan nang malunod.

Simplistiko ang materyal at lalong simplistiko ang pamamaraan ni O’Hara sa karakterisasyon. Nagmumukha tanga ang mga tauhan (si Rubia at si Norman) samantalang medical students at naturingang doktor pa naman sial. Tinatakot na sila’y hindi pa sila humingi ng proteksiyon sa pulis. Ginahasa na si Rubia ay nakipagtagpo pa sa sementeryong madilim nang nag-iisa at nagpaganda pa mandin siya nang husto. At ang asawa niya’y wala ring utak. Biro mong sinundan ang asawa sa sementeryo nang nag-iisa! Dapat nga palang magkaganito sila kung napakakitid ng kanilang utak. Sa direksiyon ni Brocka, lumitaw ang galing ni Vilma Santos, at nakontrol ang labis na pagpapagalaw ng kanyang labi. Mahusay din ang eksena ng gahasa. Si Philip Salvador naman ay tulad sa isang masunuring estudyante na sinusunod lahat ang direksiyon ng guro. Kitang-kita mo sa kanyang pagganap ang bawat tagubiling pinaghihirapan niyang masunod: kilos ng mata, buntong-hininga, galaw ng daliri, kislot ng kilay. Limitado ang kanyang kakayahan at makikia ito sa kanyang mukha (na limitado rin). Walang-wala rtio si Mat Ranillo III, na parang pinabayaan para lalong lumitaw ang papel at pag-arte ni Salvador. Samantala, ang kamera ni Conrado Salvador ay hindi gaanong nakalikha ng tension at suspense, bukod sa napakaliwanang ng disenyo ng produksiyon ang pagbabago ng mga tauhan sa loob ng pitong taon batay sa estilo ng damit at buhok.


Namumukod ang Atsay sa sampung pelikula sa pestibal. Kung ako ang tatanungin, isa ito sa tatlong pinakamahusay na pelikula ng taon (kasama na ang Ikaw ay Akin ni Ishmael Bernal). Bagama’t melo-dramatiko at epi-episodyo ang iskrip ni Edgardo Reyes, sinematiko naman ang pamamaraan ni Romy Vitug, malinis at makinis ang direksiyon ni Eddie Garcia. Ang unang mapupuna mo sa Atsay ay ang husay ng craftmanship (resulta ng matagal at maingat na paghahanda, mabusising direksiyon, matinong materyal). Bagay na bagay si Nora Aunor, at tunay na kapani-paniwala siya sa papel niya rito (hindi sa minamaliit ko siya). Nagsimula ang pelikula nang ilibing ang tatay ni Nelia (Nora). Para mabuhay, natuto silang magtrabaho ng kanyang ina at mga kapatid. Isang araw, dumating si Bella Flores na nanghahakot ng babae para dalhin sa Maynila. Para sa pabrika raw, iyon pala’y gagawin atsay o mananayaw sa beerhouse. Natagpuan na lang ni Nelia ang sarili bilang atsay sa bahay ni Anggie Ferro na masungit na’y sadistiko pa. Nag-layas ang babae. Sa bawat lipat niya ay sinusundan siya ng isang matandang pipi na lumayas din sa bahay ni Bella. Inirekomenda ni Nelia ng kaibigang atsay, sa bahay ni Armida Siguion-Reyna, na may malamig na relasyon sa asawang si Renato Robles. Naakit ang lalaki sa katulong. At nang malaman ng asawa na buntis ang kanyang katulong, binugbog ang babae hanggang makunan. Tinulungan siya ng pipi ngunit binaril ni Armida ang inaakalang magnanakaw. Na-ospital si Nelia at sa kanyang paggaling ay nagpasiyang umuwi. Naglakad siya patungo sa istasyon at dito siya hinimatay. May nagmagadang-loob sa kanya (Mona Lisa) na may ampong anak na lalaki (Ronald Corveau). Sa simula, galit ang binata ngunit nang alagaan siya ni Nelia pagkatapos niyang maaksidente, ay nagkalapit ang kanilang damdamin. Kailangan nang umuwi ni Nelia, pinigilang siya ng lalaki. Pasakay na si Nelia ng tren, nang makita siya nang binata at… Kung ihahambing ang Atsay sa ibang pelikula ng pestibal, malayung-malayo ang uri nito. Isa itong magandang halimbawa ng produksiyong pinaghirapan at pinag-ingatan para ipalabas sa pestibal. Limang buwan itong inihanda. Tanging Atsay ang nagbigay-dangal sa sampung araw ng bolahan ng kung tawagin ay Metropolitan Manila Film Festival, at isa sa kakarampot na pelikulang nagbigay ng buhay at kulay sa buong taon ng 1978. Sinulat ni Justino M. Dormiendo, Sagisag, February 1979, Pelikula Atbp